2 nalunod sa bayan ng Santa Maria
Mon Lazaro August 18, 2023 at 04:49 PM
LUNGSOD NG MALOLOS — Isang 14 na taong gulang na estudyante at isang apat na taon na bata ang nalunod sa bayan ng Santa Maria nitong nakalipas na araw ng Miyerkules at Sabado.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, ang biktima na nalunod nitong hapon ng nakaraang araw ng Miyerkules ay ang estudyante na residente ng Barangay Loma De Gato sa bayan ng Marilao.
Ang nasabing biktima, kasama ang dalawang menor de edad na mga kaibigan, ay nagpunta sa Ilog ng Santa Maria sa Barangay San Jose Patag para maligo.
Base sa imbestigasyon nagawi sa malalim na parte ng nasabing ilog ang biktima kung saan kinapos siya ng lakas at tuluyang nalunod.
Ipinagbigay alam naman ng dalawang kasamahan nito ang pangyayari sa mga opisyales ng nasabing barangay na kagyat nakipag-ugnayan sa mga rescue personnel para magsagawa ng isang rescue and retrieval operations.
Natagpuan ang bangkay ng biktima kinabukasan ng hapon.
Samantala, ang isa pang biktima ng pagkalunod ay isang apat na taon na batang lalake na residente ng Barangay 22 sa Lungsod Caloocan na nagdiriwang ng kanyang kaarawan sa isang private swimming pool sa bayan ng Santa Maria noong ika-12 ng Agosto.
Napag-alaman na ang biktima ay naglalakad sa gilid ng swimming pool bandang 1:30 ng hapon nang madulas at mahulog siya sa malalim na parte ng pool na hindi napapansin ng kanyang mga kasamahan.
Nang maiahon ng mga kaanak ang katawan ng biktima ay sinubukan pa nilang i-revive ang bata hanggang sa dalhin sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa nasabing bayan kung saan idineklara siyang dead on arrival.
Photo: