39 naaresto ng Bulacan PNP
Mon Lazaro June 22, 2023 at 10:03 PM
CAMP ALEJO SANTOS, Lungsod ng Malolos — Umabot sa 39 na indibidwal ang naaresto ng Bulacan Police sa magkakahiwalay na operasyon nitong araw ng Miyerkules at madaling araw ng Huwebes.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, kabilang sa mga naaresto ay ang Top Most Wanted ng Makilala, North Cotabato at Number 9 Wanted Person sa lalawigan ng Cotabato na si Lyod Parilla na nadakip sa Barangay Pajo sa Lungsod ng Meycauayan.
Naaresto rin ng Meycauayan Police si Nilo Calimutan dahil sa damage to property and with slight and multiple serious physical injuries.

Ang Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company tracker team ay nakaaresto naman ng tatlong indibidwal na mayroong warrant of arrest dahil sa mga kasong qualified rape, violation of 7610 and RIR Damage to Property.
Ang mga operatiba ng Doña Remedios Police ay naaresto naman sina Leonardo Sarmiento at Richard Cruz dahil sa implementasyon ng warrant of arrest para sa salang Unjust Vexation.
Ang Bocaue police tracker team naman ay nahuli sa Barangay Batia si Christopher Ian De Leon dahil sa kasong Murder na walang rekomendadong piyansa.
Samantala, ang mga operatiba ng Bulakan Police Station ay naaresto sa Barangay Bagumbayan si Pascualito Carpio dahil sa salang Estafa.
Ang Intel-driven police operations ng Bulacan Police ay nakaaresto sa magkakahiwalay na lugar ng 16 na drug suspects kung saan nakumpiska sa mga ito ang 55 plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu at pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P38,000.
Naaresto naman ng mga operatiba ng Marilao PNP ang dalawang PNP/PDEA watchlisted individuals na sina Crisanto Espiritu at Conrado Gonzales sa isang buy-bust operations sa Barangay Lambakin sa bayan ng Marilao. Nakumpiska sa kanila ang P38,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Naaresto naman ang street level individuals ng PNP/PDEA Watch list na sina Ricky Rustia sa Barangay Poblacion sa Lungsod ng Baliwag at si Rozano Pascual sa Barangay San Roque sa bayan ng Angat.
Ang Bulacan Provincial Drug Enforcement Unit ay nakapagsagawa naman ng buy-bust operations na ikinahuli nina Joy Venancio sa Lungsod ng Baliwag at Medardo Perez sa bayan ng Marilao.
Sampung drug suspect din ang naaresto ng mga drug enforcement units ng mga Police Stations sa mga bayan ng Guiguinto, Bustos at mga Lungsod ng San Jose del Monte, at Mecauayan.
Samantala, siyam na ilegal na manunugal ang naaresto sa akto ng pagsusugal sa Bulacan kung saan apat ang nahuli na naglalaro ng pusoy sa Barangay Santo Cristo sa Lungsod ng San Jose del Monte.
Tatlo naman ang nahuli na ilegal na naglalaro ng tong-its sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Guiguinto.
Dalawang indibidwal naman Ang naaresto dahil sa STL bookies sa Barangay Santa Cruz sa bayan ng Angat at Barangay Akle sa bayan ng San Ildefonso.
Photo: Bulacan Police Provincial Office