5 nasawi, 2 sugatan sa banggaan ng trak at SUV sa Baliwag
Mon Lazaro June 7, 2023 at 03:51 PMCAMP ALEJO SANTOS, Bulacan–Limang katao ang nasawi at dalawa ang naospital sa naganap na banggaan sa pagitan ng isang trak at isang sports utility vehicle sa lungsod ng Baliwag nitong madaling araw ng Miyerkules, June 7.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, kinilala ang mga nasawi na sinaMiseon Kim, Park Misoon, Jinoh Kim (pawang mga Koreano), Rosalinda Capinlac at Allen Arucan Bulandos.
Ang mga nadala naman para magpagamot sa ospital ay sina Geraldine Capinlac at Theresa Adio.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang mga sasakyan na nasangkot sa aksidente ay isang Sino tractor head truck na may plakang NEG 7896 na minamaneho ni PJ Calma at isang Toyota Fortuner na may plakang ABA 9888 na minamaneho ng namatay na si Bulandos.
Ang head-on collision ay naganap bandang 2:00 am sa kahabaan ng DRT Highway sa Barangay Sabang, sa Baliwag.
Ang mga biktima ay pawang lulan ng Fortuner na isinugod sa Baliwag District Hospital kung saan ang limang nasawi ay idineklarang dead on arrival.
Samantala, sina Capinlac at Adio ay isinugod naman sa Bulacan Medical Center, sa Malolos para magamot sa mga pinsala sa kanilang katawan na tinamo nila sa aksidente
Samantala ang drayber naman ng trak ay inilagay sa kustodiya ng Baliwag City Police Station para sa tamang disposisyon at dokumentasyon. Ang mga sasakyan na nasangkot sa aksidente ay na-impound naman.
Photo: Bulacan Police Provincial Office