Tuyong gripo, sablay na serbisyo: PrimeWater binatikos ng LGU, Senado
Paulo Gaborni October 1, 2025 at 10:35 PM
MANILA – Umani ng matinding batikos ang PrimeWater sa isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay ng umano’y kapalpakan ng serbisyo nito sa iba’t ibang lalawigan. Ilang lokal na opisyal ang nagpahayag ng pagkadismaya, habang lumalakas ang panawagang wakasan na ang kasunduan sa naturang kompanya.

Dumalo si Marilao Mayor Jem Sy bilang isa sa mga resource person sa Senate hearing hinggil sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng mga lokal na water district at pribadong kompanya. Ayon sa kanya at sa ilan pang lokal na pamahalaan, nais na nilang ipatigil ang kanilang kasunduan sa PrimeWater dahil sa hindi maayos na serbisyo nito.
Tuyong gripo, maputik, at may amoy – Mayor Jem Sy
Ibinahagi ni Mayor Sy ang kaliwa’t kanang reklamo laban sa kompanyang pag-aari ng pamilya Villar. Maraming residente umano ang walang tubig sa maghapon.
“Kung may tubig man, alas-dos o alas-tres na ng madaling-araw. Minsan maputik, minsan may amoy. Dahil dito, may mga paaralang napaikli ang klase,” ani Sy.
“Pati mga negosyo gaya ng kainan at laundry shop, nalulugi na.” Dagdag pa niya.
May iregularidad sa kontrata – Sen. Tulfo
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, nangako ang PrimeWater ng higit P100 bilyon para sa mga proyektong magpapahusay ng serbisyo sa tubig—karamihan ay mula sa mga loan sa bangko—ngunit wala pa ring malinaw na benepisyong nararamdaman ang mga consumer.
Binanggit din ni Tulfo ang ilang iregularidad sa mga kontrata, gaya ng kawalan ng pagsusuri mula sa Investment Coordination Committee ng NEDA, sa kabila ng laki ng kontribusyon ng pamahalaan na dapat ay dumaan sa naturang proseso. May ilang kasunduan din na may “confidentiality clause” na labag umano sa requirement ng Public-Private Partnership Code para sa transparency.
Dagdag pa niya, lumala ang sitwasyon dahil sa mass retrenchment ng mga empleyado ng water district, pagtaas ng non-revenue water losses bunsod ng tagas at lumang imprastraktura, at patuloy na reklamo mula sa mga lugar tulad ng Bulacan, Laguna, Cavite, at La Union na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan.
📷 Prime Water FB, Atty. Jem Sy FB