DMW hinimok na maghanda sa paglikas ng mga OFW sa Middle East
Mon Lazaro March 2, 2026 at 06:44 PMMANILA — Hinimok ni Sen. Win Gatchalian ang Department of Migrant Workers (DMW) na simulan ang paghahanda para sa repatriation o pagpapauwi ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Iran, Israel, at iba pang mga bansa sa Middle East dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon.
“Ang AKSYON Fund sa ilalim ng DMW ay ginagamit para sa repatriation ng mga OFW at iba pang anyo ng agarang tulong para sa kanila,” ani Gatchalian na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance.
Ayon pa sa kanya, dinagdagan ng Finance Committee ang pondo ng AKSYON Fund ng P800 milyon kung saan naging P2 bilyon ang dating P1.2 bilyon na pondo.
“Ang prayoridad natin ay ang kaligtasan ng ating mga OFW. Dapat maging handa ang pamahalaan na agad na mapauwi ang mga maaapektuhan,” dagdag ni Gatchalian kasunod ng inilunsad na “preemptive strike” ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na nagbunsod ng mga pag-atake sa Qatar, United Arab Emirates, Bahrain, at Kuwait na mga bansang may mga base militar ng U.S.
Ayon sa DMW, tinatayang nasa 2.443 milyon ang mga Pilipino sa Middle East.
Bukod dito, hinimok din ng senador ang Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) na agarang maghanda para sa episyente at napapanahong pagpapatupad ng Pantawid-Pasada program sa gitna ng inaasahang panibagong pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa senador, merong kabuuang P2.497 bilyong pondo ang Pantawid-Pasada program ng nasabing ahensya.
📷 Senate of the Philippines FB