DSWD, nagsimula ng pamamahagi ng ₱5,000 cash aid sa transport sector sa Malolos
Angelo Calixtro April 8, 2026 at 08:21 PM
MALOLOS, Bulacan — Sinimulan na ang distribusyon ng tig-₱5,000 na tulong pinansyal para sa mga tricycle driver at operator sa Lungsod ng Malolos bilang bahagi ng National Cash Assistance for Transport Sector program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isinagawa ang unang araw ng pamamahagi nitong Abril 8, 2026 sa Sta. Isabel Elementary School Covered Court, kung saan dumagsa ang mga benepisyaryo mula sa 86 na Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa lungsod.
Ayon sa DSWD, layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong sa sektor ng transportasyon na labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina, bunsod ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.
Tinatayang 4,337 tricycle drivers at operators ang makatatanggap ng ayuda sa unang batch. Nakatakda namang ipagpatuloy ang pamamahagi sa Abril 9 at 10 sa parehong lugar.
Nauna nang nagbigay ng karagdagang tulong ang lokal na pamahalaan ng Malolos noong Abril 1, kung saan tumanggap ng tig-₱3,000 ang mga driver bilang pansuporta sa tumataas na gastusin sa operasyon.
Samantala, hiwalay na iskedyul ang inilaan para sa mga tsuper ng jeepney, na kasalukuyan pang sumasailalim sa beripikasyon upang matiyak ang wastong distribusyon ng ayuda.
Patuloy na hinihikayat ng mga awtoridad ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kani-kanilang asosasyon para sa kumpletong detalye ng iskedyul at proseso ng pagtanggap ng tulong.
📷 Malolos City Information Office FB