Ika-4 na Malolos Theater Festival, nagtapos sa makabuluhang pagdiriwang ng sining at pananampalataya
Angelo Calixtro April 3, 2026 at 09:16 PM
MALOLOS, BULACAN — Matagumpay na nagtapos ang isang linggong selebrasyon ng sining at debosyon sa lungsod sa pamamagitan ng ika-4 na edisyon ng Malolos Theater Festival, na ginanap sa Liwasang Republika noong ika-2 ng Abril.
Bilang tampok sa huling gabi, itinanghal ng Dularawang Bulacan Foundation, Inc. ang dulang “Sa Pintuan ng Kaharian,” na naghandog ng masining at mapagnilay na paglalarawan sa buhay at sakripisyo ni Hesukristo.
Dinagsa ng mga manonood ang pagtatanghal na hindi lamang nagpakita ng husay sa teatro, kundi nagsilbi ring paalala sa mas malalim na kahulugan ng Semana Santa—isang panahon ng pagninilay, pagpapakumbaba, at muling paglapit sa Diyos.
Sa kabuuan, itinampok ng festival ang iba’t ibang dulang panrelihiyon na nagbigay-buhay sa mga tradisyong patuloy na pinahahalagahan sa lungsod.
Sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, layunin ng gawain na mapanatili at mapalaganap ang mayamang pamana ng lokal na teatro, lalo na sa panahon ng Semana Santa.
📷 Malolos City Information Office FB