Apat na indibidwal, sumuko sa Malolos Police kaugnay ng insidente sa Plaza Torrez
Angelo Calixtro April 9, 2026 at 08:18 PM
MALOLOS, Bulacan — Kusang-loob na sumuko sa himpilan ng pulisya ang apat na indibidwal kaugnay ng naganap na umano’y pananakit sa isang biktima sa Plaza Torrez sa Barangay San Vicente noong Abril 5, 2026.
Ayon sa ulat ng Malolos City Police Station, naganap ang insidente bandang alas-dose ng tanghali kung saan nauwi sa pisikal na pananakit ang alitan, na nagdulot ng pinsala sa biktima. Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng pangunahing suspek.
Kasunod nito, noong ika-7 ng Abril, ang apat pang sangkot ay boluntaryong nagtungo sa himpilan ng pulisya upang sumuko.
Samantala, muling nanawagan ang pulisya sa publiko na pairalin ang mahinahong pakikipag-ugnayan at iwasan ang karahasan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
📷 Malolos CPS Bulacan PPO