| Contact Us

ABS-CBN reporter Jacque Manabat at Senator Joel Villanueva, inalala si Mayor Joni Villanueva

Mike Manalaysay May 2, 2021 at 10:29 AM

Inalala ni ABS-CBN reporter Jacque Manabat ang kanyang naging report at panayam kay Bocaue Mayor Joni Villanueva tungkol sa mga gulay na binili at ipinamahagi niya noong isang taon.

Napabalita noon ang hirap na nararanasan ng mga magsasaka sa Cordillera region dahil hindi nila maibenta ang kanilang mga produktong gulay kaya nabubulok na lang ang mga ito. Lubhang naapektuhan ang mga magsasaka nang ipagbawal ang pagbibiyahe dahil sa umiiral noon na lockdown.

Nang makarating ito sa kaalaman ni Mayor Joni, mabilis siyang nagdesisyon na bilhin ang ani ng mga magsasaka at ipamigay ang mga gulay bilang ayuda.

Naging laman ng balita ang ginawang ito ng alkalde. Inulan siya ng papuri mula sa kanyang mga kababayan at maging sa ibang lugar. Ayon sa mga komento, maganda ang naisip na ito ni Mayor Joni dahil bukod sa nakatulong na sa mga magsasaka, nakatulong din ito sa mga residente ng kanyang bayan.

Sa kanyang tweet kahapon, May 1, ibinahagi ni Jacque Manabat ang kanyang naging karanasan at impression tungkol kay Mayor Joni nang makapanayam niya ang alkalde tungkol sa pagtulong niya sa mga magsasaka at pamimigay ng gulay bilang ayuda noong magsimula ang pandemya. Kalakip ng mensahe ang picture ni Jacque habang iniinterview niya si Mayor Joni.

“Met her at the start of the pandemic. She was among the first to purchase vegetables for Bocaue as ayuda from struggling farmers in Benguet,” sabi ni Jacque.

Ayon pa sa ABS-CBN reporter, nagtatrabaho raw si Mayor Joni kahit walang nakatutok na kamera.

“She was repacking vegetables kahit off cam. Walang arte, down to earth, napakahusay na lider,” pahayag pa ni Jacque.

Ang naturang pahayag ni Jacque Manabat ay sagot niya sa tweet ni Senator Joel Villanueva, nakatatandang kapatid ni Mayor Joni. Nagpahayag ng kalungkutan at pagka-miss si Senator Joel sa kanyang namayapang kapatid. Diko ang tawag sa kanya ni Mayor Joni.

“Gone too soon. I miss you soooo much Tol!!! Pahayag ng senador na tubong Bocaue, Bulacan.

May 28, 2020 nang namayapa ang pinakamamahal na mayor ng Bocaue. 42 years old pa lamang siya noon at kasalukuyang nagsisilbi sa kanyang ikalawang termino bilang mayor ng Bocaue.

Labis na ikinagulat at ikinalungkot ng buong bayan ang kanyang biglaang pagpanaw. Hindi raw ito inaasahan ninuman dahil ilang araw bago siya lumisan, madalas nilang makita na abala si Mayor Joni sa paghahanda at pamimigay ng ayudang pagkain para sa mga Bocaueño.

Sa huli na lang daw napagtanto ng mga Bocaueño na kahit may karamdaman at nagluluksa si Mayor Joni sa pagpanaw ng kanyang ina, hindi siya tumigil sa pagtatrabaho at mas inuna pa rin niya ang kapakanan ng mga tao.

Sa ikalawang araw ng kanyang paglisan, inilabas ng mga Bocaueño ang mga timbang pinaglagyan ng ayuda at tinirikan nila ang mga ito ng kandila. Ito raw ang kanilang paraan para magluksa at magpasalamat sa kabutihan ni Mayor Joni. Sa gabing iyon, napuno ng timba at liwanag ng kandila ang mga daan at pasilyo sa buong bayan.

Para sa mga Bocaueño, ang mga timba na tinawag nilang Timba Timbang Biyaya, ang naging simbolo ng pagmamahal, paglilingkod at pagmamalasakit sa kanila ni Mayor Joni.

Sa araw ng libing ng alkalde, nasaksihan sa Bocaue ang pinakamalaking libing sa kanilang kasaysayan. Malungkot na sinalubong ng mga Bocaueño ang karong may dala sa labi ng kanilang punong bayan. Umiiyak silang nagsabi na mahal nila, nagpapasalamat sila at hindi nila malilimutan si Mayor Joni.

Hanggang ngayon patuloy ang pagdalaw ng mga Bocaueño sa puntod ng kanilang pinakamamahal na lider.

Photos by Jacque Manabat and Rona Angelica.

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last