| Contact Us

Agosto 15 special non-working holiday sa Bulacan

Mon Lazaro August 15, 2023 at 02:52 PM

LUNGSOD NG MALOLOS — Isang special non-working holiday ang ika-15 ng Agosto taong kasalukuyan na ika-445 guning taon ng pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan.

Base sa Memorandum DRF-07032023-342 na pirmado ni Bulacan Gob. Daniel Fernando na ipinadala sa lahat ng mga punong bayan at lunsod ng lalawigan, lahat ng pribado at pampublikong tanggapan at paaralan ng lalawigan, lahat ng mga pinuno ng tanggapan at pagamutan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, na ang nasabing petsa ay isang special working holiday base sa ipinag-utos ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs of the Office of the President.

Ang nasabing okasyon ay mayroong temang “Mahalin ang Bulacan, Tuklasin ang Kanyang Kasaysayan” at hudyat din ng pagdiriwang sa isang buwang selebrasyon ng Singkaban Festival ng lalawigan.

Inaasahan na ang selebrasyon ngayong taon ay magkikintil ng pagkamakabayan ng mga Bulakenyo at mahikayat sila na tuklasin ang mayaman at makulay na kasaysayan ng lalawigan.

Bilang bahagi ng selebrasyon sa nasabing okasyon ay pangungunahan ni Gob. Daniel Fernando na kakatawanin ni Bise Gob. Alexis Castro ang pagdiriwang sa mahigit apat na sentenaryo ng pagkakatag ng Bulacan sa harap ng bantayog ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa harapan ng gusali ng Kapitolyo para sa pag-aalay ng bulaklak sa ganap na ika-8:00 ng umaga.

Susundan ito ng isang Banal na Misa sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa ganap na alas-8:30 ng umaga.

Pagkatapos ng Misa, isang maikling programa ang gaganapin na sisimulan sa pagpasok ng watawat ng Pilipinas, kasunod ang pag-awit ng pambansang awit, panunumpa sa watawat ng Pilipinas na pangungunahan ni Iskawt Jelvin Miranda mula sa Malolos City High School-Bungahan, pag-awit ng Himno ng Bulacan sa pangunguna ng Himig ng Bulakenyo at mga mensahe mula kay Bokal Richard Roque, tagapangulo ng Komite ng Turismo, Kultura at mga Sining, at Castro.

Gayundin, magkakaroon ng walk-through exhibit ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tinawag na Kasaysayan ng Bulacan Mural sa Isidoro Torres Hall sa gusali ng Kapitolyo na nagtatampok sa mga nakaraan at kasalukuyang gobernador ng Bulacan sa ganap na ika-1:00 ng hapon.

Susundan din ito ng SINEliksik Bulacan Film Showing sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center.

Photo: Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last