Alamin ang kuwento tungkol sa donasyong kamote mula sa mga magsasaka
Mike Manalaysay April 17, 2021 at 09:46 AM
Sa ikalawang araw ng Maginhawa Community Pantry, kapansin-pansin ang donasyong kamote mula sa mga magsasaka ng Paniqui, Tarlac. Napahanga ang mga netizen dahil kahit na dumadaan din sa hirap ang ating mga magsasaka, nagawa pa rin nilang tumulong sa kapwa.
Ibinahagi ni Zena Bernardo Bernardo sa Arkipelago News ang kuwento tungkol sa mga magsasakang hindi nagdalawang isip na tumulong sa panahon ng pangangailangan.

Ang grupong Magsasaka Outlet pala ang unang nakakilala sa pamilya ni Randy Calumag, sila ang mga magsasaka mula sa Paniqui, Tarlac na nagbigay ng libreng kamote sa Maginhawa Community Pantry na sinimulan ni Ana Patricia Non.
Ang Magsasaka Outlet ay isang grupo na ang adhikain ay “makapagbigay ng patas na presyo sa pagbili ng ani ng ating mga magsasaka at makapagdala ng sariwa, masustansya at murang produkto para sa mamimiling Pilipino.”
Ayon sa kanilang Facebook post, mahigit isang linggo na raw na nanghihingi ng tulong sina Randy dahil binabarat daw sila ng mga trader para sa kanilang tanim na kamote.
Nakarating daw ito sa kaalaman ng grupong Magsasaka Outlet kaya pinuntahan nila si Randy para bilhin ang kanyang produktong kamote sa presyong nararapat at ayon sa kagustuhan ng magsasaka. Binayaran daw nila ang mga kamote ng araw din na iyon.
“Sa sobrang tuwa niya, nagbigay siya ng donasyon na kamote na maaari naming ipamigay sa mga nangangailangan,” kuwento pa ng Magsasaka Outlet.
Ang mga donasyong kamote ay ipinamahagi raw ng kanilang grupo sa mga community kitchen sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Isa sa kanilang nabigyan ay ang kasisimula pa lang na Maginhawa Community Pantry.

“Sino ang mag-aakala na ang pagtutulungan natin ay magiging simula ng bayanihan at mga kawang-gawa?Hindi hadlang ang kahirapan para maging isang mabuting tao,” dagdag pa ng grupo.
Photo courtesy of Magsasaka Outlet and Ana Patricia Non.