Amain patay sa pananaksak ng sariling pamangkin
Mon Lazaro August 19, 2023 at 10:11 PMSANTA MARIA, Bulacan — Isang 42 taong gulang na lalake ang napatay sa pamamagitan ng pagsaksak ng kanyang sariling pamangkin sa loob ng pamamahay niya sa bayang ito nitong nakaraang araw ng Miyerkules.
Kinilala ni Lt. Col. Christian Alucod, hepe ng Santa Maria Police Station ang biktima na si Dan Espinosa residente ng B7 L17 Gawad Kalinga Village, Barangay Balasing sa bayan ng Santa. Maria at ang suspek na si Jessie Espinoza Jr.
Base sa inisyal na imbestigasyon, habang natutulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay bandang 3:00 ng madaling araw ay bigla na lamang ito pinagsasaksak ng suspek at pagkatapos ay biglang tumakas.
Nagawa pang isugod ang biktima sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa nasabing bayan kung saan nalagutan siya ng hininga habang ginagamot.
Naaresto naman ang suspek nang sumuko siya sa mga opisyales ng Barangay Balasing at nakuha rin sa kanya ang patalim na ginamit niya sa pagpaslang ng kanyang amain.
Isinuko naman ng mga opisyales ng barangay sa pulisya ang sumukong suspek pati na rin ang patalim na ginamit niya sa pananaksak.