Ang walang hanggang pagmamahal ni Sherwin kay Mayor Joni
Cristine Cabanizas May 30, 2021 at 04:36 PM“Ang pagluluksa ay simbolo at katumbas ng pag-ibig.”
Ito ang madamdaming pahayag ni Atty. Sherwin Tugna, ang kabiyak ng yumaong alkalde ng Bocaue na si Mayor Joni Villanueva-Tugna.
Sa paggunita sa naging buhay ni Mayor Joni, nagsama-sama ang kanyang pamilya, mga kaibigan at mga taga-suporta sa pagbabalik tanaw sa kanyang mga alaala.
Matapos ang isang taon mula nang pumanaw ang punong bayan, ibinahagi ng dating CIBAC partylist representative ang sakit at hirap na kanyang pinagdadaanan sa pagkawala ng kanyang asawa.
Hindi raw naging madali ang pagtanggap sa paglisan ni Mayor Joni na nakasama niya sa loob ng labingwalong taon.
“Sa loob po ng isang taon nagpupunta ako rito para personal na magluksa dahil hindi naman ako sanay umiyak sa harap ng tao. Labingdalawang buwan na nga po ang nakararaan, sa loob po ng labingdalawang buwan, isang taon, napakahirap po dahil bilang kabiyak niya sa loob ng labingwalong taon… napakahirap pong gumising sa umaga na paggising mo ay wala po sa tabi mo ang iyong kasama sa buhay,” kwento ni Atty. Tugna.
Pinipilit niya raw maging malakas para sa kanilang apat na anak. Dagdag pa niya, hindi lang daw dakila pagdating sa paglilingkod sa bayan si Mayor Joni. Sinisigurado rin daw ng dating alkalde na ibuhos ang pagmamahal sa kanyang mga anak.
“Tayo po rito sa bayan ay personal witness sa kadakilaan ng aking may bahay sa paglilingkod, ganoon din po sya sa pagiging ina. 101 percent always, ‘yun lang po magdalang tao ka, magsilang sa pamamagitan ng hindi normal delivery kundi apat po na caesarean. Talaga pong dakila ang aking may-bahay kaya napakahirap po na wala siya sa aking piling, sa piling naming mag-aama,” ayon kay Atty. Tugna.
Sa kabila ng hirap at lungkot na kanyang nararanasan, mas pinipili lang daw ni Atty. Tugna na magpakatatag.
Para sa kanya hindi raw natatapos ang kanyang pagluluksa dahil walang hanggan ang kanyang pagmamahal sa asawa.
Ito raw ay bagong yugto ng kanyang buhay na kailangan niyang tanggapin para magpatuloy sa bawat araw.
“Unti-unti ko na pong tinatanggap na ang aking mahal ay sumakabilang buhay na. Unti-unti ko na pong tinatanggap na sa pang araw-araw tuwing gigising ako sa umaga kailangan ko pong maging malakas upang harapin na ‘yung katuwang ko po sa aking mga pangarap na magpalaki ng aming mga apat na anak ay hindi ko na po kasama ng pisikal. Unti-unti ko na pong tinatanggap yan,” paliwanag ni Atty. Tugna.
Nagpapasalamat naman si Atty. Tugna sa lahat ng dumadamay at nagbibigay ng suporta sa kanya. Lubos din daw ang kanyang pasasalamat sa mga Bocaueño na hanggang ngayon ay nagpapakita ng taos pusong pagmamahal kay Mayor Joni.
“Hindi ko po kayo maisa-isa ngunit pasalamat po ako sa Panginoon na nagkaroon po ako ng ganitong oportunidad na magpasalamat po sa inyo, na sinamahan n’yo po kami sa loob ng labingdalawang buwan ng pagluluksa para kay Joni,” dagdag pa ni Tugna.
Pero hindi lang tungkol sa kanyang asawa ang mensahe ni Atty. Sherwin Tugna. Tinalakay rin niya ang tungkol sa nararanasan ngayon ng buong bansa at ng kanyang mga kababayan sa Bocaue.
Sa gitna raw ng trahedyang pinagdadaanan ng kanyang pamilya sa pagkawala ng kanyang asawa, nais din ni Atty. Tugna na bigyang pansin ang kinakaharap na kahirapan ng mga Bocaueño dahil sa pandemya.
“Sa pang araw-araw hindi naman po tayo bingi na hindi po natin naririnig ang damdamin ng ating bayan, hindi rin naman tayo bulag na sa gitna po ng aking personal na trahedya na ako ay nawalan ng aking higit kalahati pa sa aking buhay, nakikita ko rin po sa kasalukuyan, tayo po dito sa bayan at sa buong bansa, tayo po ay dumadanas at dumadaan sa isang pandemya at nang dahil po diyan napakarami pong mga trabahante wala po silang trabaho,” sabi ni Tugna.
Napakarami raw ang nagugutom at namamatay dahil sa krisis na dulot ng pandemya. At hindi raw titigil si Atty. Tugna sa pagbibigay ng tulong sa mga nahihirapan niyang kababayan sa abot ng kanyang makakaya. Dahil sigurado raw siya na ito rin ang gagawin ni Mayor Joni kung siya ay nabubuhay pa.
Kasabay raw ng kanyang unti-unting pagtanggap ang patuloy na pag-alala sa masasayang araw na pinagsamahan nilang mag-asawa.
“Sa yugto pong ito, gaya ng nasabi ko kanina, ang unti-unting pagtanggap ay hindi paglimot bagkus ito po ay isang yugto na kung saan sa halip na itong aking labingdalawang buwan na wala akong ginawa kung hindi tumangis at ako po ay magdalamhati, minsan ay magtanong sa ating Panginoon, ito pong yugtong ito simula ng araw na ito ay tatatagan ko po ang aking loob upang ang tingnan po ay ang dalawampu’t pitong taong pagkakakilala naming mag-asawa, ang napakagandang alaala na kanyang iniwan, ng aming pagkakaibigan, pagiging magkasama at pagiging magkabiyak, pagiging itinakda ng Diyos,” mensahe pa ni Tugna.
Habang buhay raw na magpapasalamat si Atty. Sherwin Tugna na siya ang pinili ng Diyos na maging kabiyak ni Mayor Joni.
Photo courtesy of Atty. Sherwin Tugna Fb page and Michael Santos