Anim na taong gulang na bata nalunod sa San Jose del Monte
Mon Lazaro June 17, 2023 at 04:10 PMIsang anim na taong gulang na batang lalaki ang nahulog sa isang sapa sa Lungsod ng San Jose Del Monte at kalaunan ay natagpuang wala nang buhay sa bayan ng Sta. Maria sa Bulacan.
Ito ang kinumpirma sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Ret. Col.Manuel Lukban Jr., OIC ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan.
Ayon kay Lukban, base sa natanggap niyang ulat mula sa CSJDM Rescue, ang biktima ayresidente ng Barangay Yakal sa nasabing lungsod.
Napag-alaman na ang biktima ay naglalakad bago mag-ala una ng hapon nitong araw ng Huwebes sa may sapa ng kanilang barangay nang mahulog ang tsinelas niya sa nasabing sapa.
Ayon sa mga nakasaksi hinabol ng biktima ang kanyang tsinelas ngunit nadulas siya at tuluyang nahulog sa sapa hanggang sa tuluyang malunod.