Apat na lane sa NLEX sa Marilao, maaari nang daanan
Mike Manalaysay March 26, 2025 at 10:19 AM
MARILAO, Bulacan — Binuksan na ang lahat ng apat na lane ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Marilao patungo sa Norte simula 1:00 am ng Miyerkules, Marso 26.
Sa isang pahayag noong Martes, sinabi ng NLEX Corporation na maaari nang daanan ang lahat ng linya, pero mananatili anila ang mga suportang bakal sa kalsada hanggang ganap na matuyo ang sementong ginamit sa pagsasaayos ng tulay.

Inaasahang babalik sa normal at mas bibilis ang daloy ng trapiko sa Marilao northbound sa mga susunod na araw, ayon sa NLEX.
Nasira ang Marilao Bridge noong Marso 19, matapos itong mabangga ng isang trak na may taas na 4.9 metro. Lagpas ito sa itinakdang sukat na 4.25 metro.
Dahil sa aksidente, dalawang lane lang ng NLEX sa Marilao ang nadadaanan. Nagresulta ito sa mabagal hanggang halos hindi umuusad na daloy ng trapiko.
📷 NLEX Corp.