Apat nasawi sa sunog sa bayan ng Santa Maria
Mon Lazaro August 9, 2023 at 11:38 AM
SANTA MARIA, Bulacan — Apat na miyembro ng pamilya ang namatay nang masunog ang kanilang bahay bandang 3:17 ng madaling araw nitong araw ng Martes, August 8.
Kinilala ni Lt. Col. Christian Alucod, hepe ng Santa Maria Police Station, ang mga nasawi na sina Roy Lozano, 39 taong gulang; Marie Lozano Caparas, 39; Cedric Lozano, 13 at Andre Lozano, 12 na pawang residente ng Block 9, lot 5, El Pueblo Del Rio, Barangay Caypombo sa nasabing bayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagmula ang sunog sa unang palapag ng kanilang bahay na mabilis na kumalat sa ikalawang palapag nito kung saan naroroon ang mga biktima.
Hindi na nila nagawang makaalis sa ikalawang palapag ng bahay na naging sanhi ng kanilang pagkasawi.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pang iniimbistigahan ng mga arson investigators ang pinagmulan ng sunog.
Photo: Bulacan Police PIO