Art collection ng Lumina Art Group matutunghayan sa Hiyas Museum
Mon Lazaro September 8, 2023 at 06:10 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Inilunsad ngayong araw ng Biyernes (September 8) sa Kapitolyo ng Bulacan ang isang art exhibit at trade fair na bahagi ng selebrasyon ng Singkaban Festival.
Ang art exhibit ay inilunsad ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office na pinamagatan na BELLEZA: The Interplay of Aesthetic Sense Featuring Art Works of Lumina Art Group sa Guillermo E. Tolentino Exhibit Hall, Hiyas Museum sa lungsod na ito.
Bukas ito sa lahat ng nais makita ang nasabing art exhibition na tatagal hanggang sa ika-8 ng Oktubre taong kasalukuyan.
Matutunghayan sa nasabing eksibit ang magagandang likhang sining gamit ang iba’t ibang istilo at pamamaraan.
Bahagi ito ng maraming eksibisyon na nakapaloob ngayong taon sa pagdiriwang ng Singkaban Festival 2023 na may temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan ating Pamana”.
Samantala, inilunsad naman ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) ng Tatak Singkaban Trade Fair na tatagal hanggang ika-15 ng Setyembre sa harap ng gusali nito sa Kapitolyo.
Ito ay bahagi ng pagtulong ng PCEDO sa marketing at promosyon sa mga produkto ng mga Micro, Small, at Medium Enterprises (MSMEs) at mga kooperatiba sa Bulacan.
Ayon kay Gob. Daniel Fernando, “Patuloy nating ipinapakita ang ating suporta para sa mga maliliit na negosyo at mga kooperatiba dahil naniniwala tayo na sila ay haligi rin ng ating ekonomiya. Ang Tatak Singkaban Trade Fair ay hindi lamang tungkol sa pagbebenta, ito rin ay tungkol sa pagbibigay ng oportunidad para sa ating mga kababayan na tuparin ang kanilang pangarap sa pagnenegosyo.”
Sa kabuuan ay mayroong 56 na exhibitor kabilang ang 52 MSMEs, dalawang kooperatiba, at dalawang lokal na pamahalaan ang naging tampok sa nasabing trade fair.
Kabilang sa mga produkto na makikita rito ang footwear, bags and wallets, pangregalo, embroidery, linen, ornamental plants, fashion accessories, damit, leather crafts, at pagkain.
Photo: Provincial Public Affairs Office