Atleta mula sa Brgy. Caingin sa Bocaue, nakapasok sa Philippine Atletics Championship
Kate Papina March 25, 2023 at 11:04 PMIsang malaking hakbang para kay Rochelle Dizon, isang student-athlete ng Bulacan State University (BSU), na mapasama sa prestihiyosong Philippine Athletics Championship na ginaganap ngayon sa Ilagan City Sports Complex, sa lalawigan ng Isabela. Residente ng Barangay Caingin, sa bayan ng Bocaue si Dizon. Isasagawa ang inaabangang sports event mula March 21 hanggang 29.
Maituturing itong malaking tagumpay para sa batang atleta na muntik nang matigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan. Kaya sa pagnanais niyang matuloy ang kaniyang pangarap at makatapos ng kolehiyo, nagbakasakali siyang sumulat sa Vice Mayor ng Bocaue na si Atty. Sherwin Tugna noong Pebrero. Ikinuwento niya sa liham ang kaniyang mahirap na kalagayan at nakiusap na kung maaari ay matulungan siya sa kanyang pag-aaral.
Laking gulat ni Dizon nang makatanggap siya ng tugon mula mismo kay Vice Mayor Tugna at mabilis siyang pinadalhan ng tulong. Ito ang naging dahilan kaya hindi siya nahinto sa pag-aaral at nakapagpatuloy sa kanyang training. Dahil sa kanyang lakas at galing, si Rochelle ang napiling maging kinatawan ng BSU sa Philippine Athletics Championship.
Ayon kay Tugna, asawa ng yumao at pinakamamahal na Punong Bayan ng Bocaue na si Mayor Joni, masaya siya sa nangyayari kay Rochelle Dizon. Sinusuportahan daw niya ang mga tulad ni Dizon na nagsusumikap sa buhay.
“Gusto ko rin magtagumpay si Rochelle sa kanyang mga pangarap sa buhay. Kaya sa abot ng ating makakaya, tayo ay nagbigay ng tulong at suporta kay Rochelle. Wala ng ibang magkakampihan at magtutulungan kundi tayo na tapat sa ating pinanggalingan. Kadalasan para tayo ay magtagumpay, kailangan natin ng pusong umaalalay,” paliwanag ng bise-alkalde.
Noong nabubuhay pa si Mayor Joni, magkatuwang na tumutulong sa mga Bocaueño ang mag-asawa. Kabilang na rito ang maraming estudyanteng kanilang pinag-aral hanggang makatapos ng kolehiyo. Ipinagpapatuloy ni Vice Mayor Tugna ang pagtulong sa mga nangangailangan hanggang sa kasalukuyan.
Ang Philippine Athletics Championship ay pambansang palaro sa track and field na isinasagawa taun-taon. Sa panahong ito nagtitipon at nagtatagisan ng lakas ang pinakamagagaling na student-athletes sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Photo: Vice Mayor Atty. Sherwin N. Tugna