| Contact Us

Babaeng nasawi matapos masagasaan sa Guiguinto, nakunan ng video

Kate Papina February 27, 2023 at 07:47 PM

Namatay ang isang ginang nang masagasaan ng isang sport utility vehicle (SUV) sa harap ng Sta. Rita Public Market sa Barangay Sta. Rita, Cagayan Valley Road, Guiguinto, noong February 26, 7:00 am. Nakunan ng video ang aksidente ilang minuto matapos itong mangyari.

Makikita sa video ang mga nagkalat na panindang gulay at nakatumbang pangharang na bakal. Makikita rin ang isang kulay gold na Toyota Fortuner na may plakang NAK 5998 na nakasampa sa bangketa. Maririnig din ang sinabi ng isang nakasaksi na nasa loob pa raw ng sasakyan ang driver nito. Sa pagpunta ng kamera sa harapan ng sasakyan, tumambad ang kalunos – lunos na sinapit ng biktima. Nasa ilalim siya ng sasakyan at wala ng buhay. Nawasak din ang harapan ng sasakyan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, na iniulat ni Lt. Col. Jowilouie Bilaro, Chief of Police ng Guiguinto, binabagtas diumano ng Fortuner ang Cagayan Valley Road patungo sa Plaridel nang aksidente raw na naipit ang tsinelas ng driver sa pedal ng silinyador kaya nagtuloy-tuloy raw sa pag-andar ang sasakyan. Inararo diumano ng SUV ang gilid ng kalsada at bahagi ng bangketa hanggang sa masagasaan ang isang babaeng papasakay na raw sana sa pampasaherong jeep. Dead on the spot ang ginang na kinilalang si Marlyn Torres, 47 na taong gulang, kasambahay at residente ng St. Agatha Subdivision sa Guiguinto.

Kinilala naman ang driver ng Fortuner na si Avelino Bandillo IV, 34 na taong gulang, isang abogado at residente ng San Francisco Del Monte, Quezon City.

Dinala ang biktima sa Superior Funeral sa Plaridel matapos ang aksidente. Sa kasalukuyan, nakaburol ang mga labi ni Marlyn Torres sa Apalit, Pampanga. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.

Video: Ferdinand Umali de Jesus FB live

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last