Bagong multi-purpose building na ipinatayo ng CIBAC party-list sa Pandi, Bulacan, binuksan na
Mike Manalaysay October 26, 2022 at 05:21 PMBinuksan na sa publiko ang ipinatayong multi-purpose building ng CIBAC Party-list sa Barangay Siling Bata, Pandi, Bulacan noong October 24. Ito na ang ika-walong multi-purpose hall na ipinagawa ng CIBAC sa bayan ng Pandi.
Ayon sa pahayag ng CIBAC, isa sa pinakaunang itinatag na party-list sa bansa, masaya sila sa pagbubukas ng naturang gusali.
“Kagalakan po nating makibahagi sa pagtupad ng pangarap para sa Brgy. Siling Bata, Pandi upang maipatayo ang gusali na magagamit para sa iba’t ibang gawain,” ayon sa CIBAC.
Sa araw ng inagurasyon ng building, nagpamahagi rin ng financial assistance ang CIBAC sa 1,200 beneficiaries sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD. Nakakuha ang unang batch ng benepisyaryo ng P5,000 bawat isa. Makakatanggap naman ng tulong pinansyal ang ikalawang batch sa Nobyembre.
“Ang mga ito ay bahagi lamang ng mas malaking adbokasiya natin laban sa korapsyon at kahirapan,” ayon pa sa kanilang pahayag.
Dinaluhan ang inagurasyon nina CIBAC Congressman Domingo Rivera, Pandi Mayor Enrico Roque, at Bulacan 5th District Congressman Ambrosio “Boy” Cruz.
Nagpasalamat naman si Mayor Enrico Roque kay Senator Joel Villanueva, na pangulo ng CIBAC party-list, at kay CIBAC Congressman Bro. Eddie Villanueva sa kanilang mga tulong at suporta sa bayan ng Pandi.
Photo: CIBAC Facebook page