Balagtasan Festival, umarangkada na
Angelo Calixtro March 24, 2026 at 03:08 PM
BALAGTAS, Bulacan — Pormal nang binuksan ang makulay at masiglang pagdiriwang ng Balagtasan Festival bilang paggunita sa ika-238 taong kapanganakan ni Francisco Balagtas, ang “Prinsipe ng Makatang Tagalog” sa pangunguna ni Balagtas Mayor Andy “Andrews” Santiago.
Dinagsa ng mga residente at bisita ang iba’t ibang aktibidad na tampok sa pagbubukas ng pista, na may temang “Buklod-Lingkod kay Gat. Francisco Balagtas.” Tampok sa selebrasyon ang Parada ng Karosa na nagpakita ng malikhaing interpretasyon ng kasaysayan at kultura ng bayan, kasabay ng Indakan sa Kalye na nagbigay-buhay sa mga lansangan sa pamamagitan ng makukulay na sayaw at musika.
Hindi rin nagpahuli ang mga kalahok sa Drum and Lyre competition na naghatid ng sigla at enerhiya sa mga manonood. Samantala, ibinida rin ang Hapag de Balagtas, kung saan ipinakita ang mayamang tradisyon sa pagkain ng mga Balagtaseño.
Nagbigay rin ng matinding aliw ang iba’t ibang showdown performances na nagsilbing hudyat ng matagumpay na pagsisimula ng pista.
Layunin ng pagdiriwang na palakasin ang pagkakaisa ng komunidad at patuloy na ipagmalaki ang pamana ni Balagtas.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa lahat ng nakiisa at nakisaya sa pagbubukas ng festival.
Hinikayat din ang mamamayan na patuloy na makibahagi sa mga susunod pang aktibidad bilang pagpapakita ng pagmamahal sa kultura at kasaysayan ng bayan.
📷 Mayor Andy “Andrews” Santiago FB