Bam Aquino, nakipagpulong sa mga mangingisda sa Laguna
Mike Manalaysay February 26, 2025 at 09:52 PM
CALAMBA CITY, Laguna — Nakipagpulong si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino sa mga mangingisda sa Barangay Sampiruhan sa Calamba City, Laguna para talakayin ang kanilang mga kinakaharap na hamon sa kabuhayan, lalo na sa panahon ng patuloy na pag-aangkat ng isda ng gobyerno.
Sa naturang pagpupulong, binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na suporta sa sektor ng pangingisda para mapanatili at mapalakas ang kita ng mga mangingisda.

“Mahalaga po ang agrikultura, fisheries, at farmers, Iyong tulong ng gobyerno, dapat umaabot sa inyo. Dapat nararamdaman niyo po ang tulong na iyan,” paliwanag ni Aquino.
Tinalakay rin ni Senador Bam ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na oportunidad sa mga mangingisda para matustusan nila ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ang Laguna de Bay ang isa sa pinakamalalaking pinagkukunan ng isda sa Luzon, kaya’t malaking usapin para sa mga mangingisda rito ang pagbaba ng kanilang kita dahil sa kompetisyon mula sa inaangkat na isda. Umaasa silang maririnig ng pamahalaan ang kanilang hinaing at mabibigyan sila ng mas maraming oportunidad para mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
📷 Bam Aquino