Bangkang tumaob sa Binangonan, Rizal overloaded ayon sa PCG
Arkipelago News July 28, 2023 at 09:00 PM
Overloaded ang pampasaherong bangkang lumubog sa lawa ng Binangonan, Rizal. Ayon sa imbestigasyon, para sa 42 katao lamang ang kapasidad ng bangka. Pero nasa 66 na pasahero ang naitala base sa search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon pa sa PCG, 27 na pasahero ang nasawi, anim ang nawawala at 40 ang nakaligtas sa insidente.
Lumabas sa imbestigasyon na bumiyahe ang MB Aya Express papunta sa isla ng Talim bandang ala-una ng hapon noong Huwebes. Pinayagan daw silang bumiyahe ng PCG dahil maayos naman ang panahon. Pero habang bumibiyahe, biglang lumakas ang ulan at hangin. Posible raw na nataranta ang mga pasahero kaya tumagilid ang bangka, naputol ang katig at tuluyang tumaob malapit sa Barangay Kalinawan.
Sa isang video na nakuha ng ARKIPELAGO NEWS, makikitang nagmamadali ang mga mangingisda sa pagliligtas sa mga pasahero.
Ayon pa sa PCG, 22 pasahero ang idineklara ng MB Aya Express. Sinabi naman ni Donald Añain, kapitan ng bangka, na 22 katao lamang ang naglista ng kanilang pangalan sa manipesto. Nagulat daw siya na nadagdagan ang mga nakasakay sa bangka nang bumalik siya mula sa tanggapan ng Coast Guard. Nasa kustodiya na siya ng pulisya.
Iniimbestigahan na rin ng PCG ang tungkol sa hindi pagsusuot ng life vest ng mga pasahero habang bumibiyahe.
Screengrab from Arah Jade Unida’s video