Barangay Lalakhan, Sta. Maria, Bulacan namigay ng ayuda
Mary Jessa C. Fajardo April 16, 2021 at 04:37 AM
Malaking tulong daw ang ayudang kanilang natanggap ayon kina Nestor De Leon at Erlinda Dela Cruz. May pambili na raw kasi sila ng pagkain para sa kanilang mga pamilya sa loob ng ilang araw.
Pareho silang senior citizen at namamasukan sa isang patahian. Pero simula nang magkaroon ng pandemya, tumigil daw sa operasyon ang patahian kaya nawalan sila ng hanapbuhay.
Walang asawa at anak sina Mang Nestor at Aling Erlinda. Kasama raw nilang namumuhay ang kani-kanilang kapatid. Mas hirap daw sila sa buhay ngayong may pandemya kaya laking tuwa raw nila sa kanilang natanggap na financial assistance.
“Napakalaking tulong po ng pera na aming natanggap. Makakabili kami ng pagkain at gamot,” sabi ni Mang Nestor.
Kasama sina Mang Nestor sa 1,361 na residente ng Barangay Lalakhan, Sta. Maria, Bulacan na nabigyan ng ayudang pinansyal noong April 12.
Sa kabuuan, 417 pamilya ang nakinabang sa ipinamahaging tulong ng gobyerno sa nasabing lugar.

Ayon kay Sharmaine Fuentes, Social Welfare Officer ng Sta. Maria, matagumpay ang isinagawa nilang pamimigay ng ayuda.
“Naging mabilis at maayos ang pamimigay ng ayuda sa Barangay Lalakhan. Bukod sa may schedule ang per sitio, may pila base sa letra ng apelyido. May mga harang kada pila at may mga usher/usherette na magtuturo kung saan pupunta. Nakahanda na rin ang mga binilin na requirements,” paliwanag ni Fuentes.
Isanlibong piso hanggang apat na libong piso ang natanggap ng mga pamilyang may isa hanggang apat na miyembro.
Samantala, nagsimula na rin ang pamimigay ng ayuda sa ibang barangay sa bayan ng Sta. Maria. 236,000 ang kabuuang bilang ng beneficiary ng financial assistance.
Pero marami sa residente ang nagkomento ng kanilang reklamo sa Facebook post ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Cassandra, tila hindi raw patas ang pamamahagi ng tulong pinansyal.
“Para sa ating lahat ‘yan na naapektuhan ng pandemic. Paano na lang yung iba kung binabase niyo lang sa list? Dapat mag bahay-bahay kayo!”
Ayon naman kay Anna, dapat daw na mabigyan ang lahat, “Dati hindi na nga kami nakatanggap na ayuda, pati ba naman ngayon. Ayusin nyo naman po. Dapat pantay. Lahat naman tayo nagugutom.”
May paliwanag naman tungkol sa mga reklamo si Sharmaine Fuentes ng Social Welfare Office, “Ang listahan ay mula sa database ng SAP kung saan makikita ang mga impormasyon na dineklara ng benepisyaryo sa kanilang SAC form. Para naman po sa mga hindi nakatanggap ng SAP, kasalukuyang gumugulong ang pagpapalista sa bawat barangay.”
Nagtalaga rin daw ng hotline at email address ang LGU kung saan maaaring ipadala ng mga nagrereklamo ang kanilang mga katanungan at hinaing.
Nakatanggap ng 236.9 milyong piso ang Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria para sa financial assistance ng mga beneficiary sa kanilang bayan.
Photo courtesy of MSWDO Sta. Maria, Bulacan and Barangay Lalakhan.