BENRO tinutukan ang pag-aalis ng mga ilegal na poster sa mga puno
Mike Manalaysay January 16, 2025 at 03:13 PM
BULACAN — Bilang bahagi ng patuloy na kampanya sa pangangalaga sa kalikasan, ipinatupad ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) ngayong araw, Enero 16, ang pagbabaklas ng mga billboard, tarpaulin, poster, at iba pang materyales na ilegal na nakakabit sa mga punongkahoy. Kabilang sa mga tinanggal ay ang mga campaign materials para sa nalalapit na eleksyon sa 2025.
Ayon kay Atty. Julius Victor Degala, pinuno ng BENRO, malinaw na ipinagbabawal ng batas ang pagkakabit ng anumang uri ng materyales sa mga punongkahoy, at may kaukulang parusa sa sinumang lalabag dito.

“Sa mga nakapagkabit na, kusa na ninyong tanggalin at ilipat sa pwesto o lugar na pinapahintulutan ng batas,” paalala ni Degala. Dagdag pa niya, “Pangalagaan po natin ang ating mga punongkahoy. Maraming salamat.”
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na protektahan ang likas na yaman at tiyaking hindi naaabuso ang kalikasan.

Nananawagan din si Atty. Degala sa publiko, lalo na sa mga kandidato at kanilang tagasuporta, na sundin ang mga alituntunin sa tamang paglalagay ng mga campaign materials. Patuloy na magbabantay ang BENRO para mapanatiling malinis at luntian ang kapaligiran para sa susunod na henerasyon ng mga Bulakenyo.
📷 Atty. Julius Victor Carag Degala