Biak-na-Bato traveling exhibit
Mon Lazaro May 30, 2023 at 07:53 PM
Binuksan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang “Biak-na-Bato traveling exhibit” sa Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng Bulakan hanggang Miyerkules, May 31.
Ito ay pinamagatan na “682 Across Biak-na-Bato Traveling Exhibit,” na patungkol sa naging krusada ng mga rebolusyonaryong Filipino mula sa Biak-na-Bato hanggang sa pagkakatapon nila sa Hongkong.
Ayon kay Alex Aguinaldo, kurador ng museo, akmang-akma na tinatawag itong traveling exhibit dahil iniikot ito sa iba’t ibang museo na pinangangasiwaan ng NHCP at dahil ang nilalaman ng eksibisyon ay tungkol sa paglalakbay ng mga rebolusyonaryo bilang bahagi ng kanilang krusada para sa kalayaan ng ating bansa.
Sa susunod na buwan ng Hunyo, ililipat ang 682 Across Biak-na-Bato Traveling Exhibit sa Museo ng Unang Republika 1899 na nasa simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos bilang bahagi ng nalalapit na pagdiriwang ng ika-125 taong anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Mula sa Malolos ay dadalhin din ito sa Museo ni Mariano Ponce sa Lungsod ng Baliwag.
Nakasaad sa nasabing traveling exhibit na napunta sa Biak-na-Bato ang pwersa ni Heneral Emilio Aguinaldo matapos ang matagumpay na pagpapalaya sa Cavite mula sa kamay ng mga Kastila na kilala sa tawag na ‘Sigaw ng Kabite’.
Ang pwersa ni Aguinaldo ay napunta sa Biak-na-Bato sa layuning planuhin ang susunod na mga hakbang upang ganap na matamo ang kalayaan ng Pilipinas.
Sa Biak-na-Bato binalangkas ang isang kasunduang tigil-putukan sa pagitan ng mga rebolusyonaryo Filipino at mga Kastila.
Sinundan ito ng pagkakalagda sa tinatawag na Kasunduan ng Biak-na-Bato noong Disyembre 14 at 15, 1897 na binubuo ng tatlong dokumento.
Nilalaman ng unang dokumento ang tigil putukan sa kondisyon na sa Hong Kong na mamumuhay sina Heneral Aguinaldo at ang mga opisyal ng rebolusyon ngunit hindi na babalik sa Pilipinas.
Sa ikalawang dokumento, nakasaad ang pagbibigay ng kapatawaran ng Espanya sa mga nanguna sa rebolusyon kung isusuko nila ang mga armas na kanilang mga ginamit.
At nililinaw naman sa ikatlong dokumento ang halaga ng salaping ibibigay ng Espanya kapag natupad ang mga naunang pinagkasunduan.