Biktima ng pamamaril sa Antipolo, pumanaw na
Mike Manalaysay April 1, 2025 at 02:17 PM
MANILA — Pumanaw na nitong Marso 31, ang isa sa mga biktima ng pamamaril sa isang insidente ng road rage sa Antipolo City, ayon kay Lt. Col. Ryan Manongdo, chief of police ng lungsod.
Inanunsyo ito ni Manongdo sa isang Facebook live. Dahil sa pagkamatay ng biktima na kinilala sa alyas na “Peter,” babaguhin ng pulisya ang isinampang kasong frustrated murder laban sa suspek.
Batay sa ulat ng pulisya, nagtamo si Peter ng tama ng bala sa ulo. Siya ang nakunan ng video na nakahandusay sa kalsada.

Samantala, kinilala ang dalawa pang biktima na sina alyas Patrick at Davis. Tinamaan ng bala sa kanang braso si Patrick, habang tinamaan naman si Davis sa kanang bahagi ng dibdib habang umaawat siya sa kaguluhan. Nabaril din ng suspek sa hita ang kanyang asawa. Siya ang nakita sa video na binubuhat papunta sa itim na SUV.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagkagitgitan at nagkainitan ang suspek na si “Kenneth” at ang mga biktima. Nauwi ito sa suntukan at pamamaril na naganap sa Marcos Highway, Sitio Calumpang, Barangay San Jose, Antipolo City.

Ayon pa kay Manongdo, naaresto ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation sa isang checkpoint ng Commission on Elections. Nakuha mula sa kanya ang baril na ginamit sa mga biktima. Dagdag pa niya, may license to own and possess firearm si Kenneth pero wala siyang permit to carry lalo na at umiiral sa bansa ang election gun ban.
Noong Lunes, Marso 31, bago pa nasawi ang biktima, sinampahan ng three counts ng frustrated murder at paglabag sa gun ban ang suspek.
📷 Screenshot from contributed video