Bisita sa bilangguan sa Malolos, nahulihan ng droga
Mike Manalaysay January 27, 2026 at 12:44 AM
LUNGSOD NG MALOLOS — Kulungan ang kinahantungan ng isang 42-anyos na lalaki matapos siyang mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga habang bumibisita sa Bulacan Provincial Jail sa Barangay Guinhawa noong Linggo, Enero 25.
Sa ulat ni PLt. Col. Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos City Police Station (CPS), kinilala ang suspek na si alyas “Joel,” residente ng Lungsod ng Baliwag. Naaresto ang suspek dakong alas- 8:20 ng umaga matapos umanong makuha sa kaniyang pag-iingat ang droga habang isinasagawa ang standard operational procedure sa pasilidad.
Sa isinagawang body frisk ng mga otoridad, nakumpiska mula kay Joel ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.3 gramo at may halagang ₱2,040. Isinagawa ang imbentaryo ng ebidensya sa harap ng suspek, mga opisyal ng barangay, at kinatawan mula sa media at Department of Justice (DOJ).
Dinala ang suspek sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa drug test at laboratory examination bago sumailalim sa medical check-up sa Bulacan Medical Center. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Malolos Police habang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB