Bodega ng fireworks na sumabog hindi lisensyado
Mon Lazaro June 16, 2023 at 11:27 PM
BOCAUE, Bulacan — Napag-alaman na ang bodega ng fireworks na sumabog sa Barangay Bunducan sa bayan na ito nitong Huwebes ng madaling araw ay hindi lisensyado.
Ito ang kinumpirma sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Lt. Col. Ronnie Pascua, ang hepe ng Bocaue Police Station.

Kinilala ni Pascua ang may-ari ng nasabing bodega na si Nita Ofracio na mayroong lisensyadong tindahan ng paputok ngunit ang bodega nito na sumabog ay walang kaukulang dokumento para mag-imbak ng fireworks sa nasabing lugar na isang residential area.
Dahil dito, sinabi ni Pascua na si Ofracio ay nahaharap sa kasong paglabag sa probisyon ng RA 7183 na mas kilala sa tawag na Firecracker Law.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya ng Bocaue, tinatayang aabot sa halagang P15 milyon ang mga natupok sa sunog na dulot ng pagsabog ng bodega.
Ayon naman kay Rodante Galvez, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction Office ng Bocaue, base sa pinakahuling ulat na natanggap nila, umabot na sa 45 pamilya ang naapektuhan ng nasabing pagsabog at sunog kung saan pitong pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center na itinayo sa covered court ng Barangay Bunducan.
Sinabi pa ni Galvez na kagyat na ipinag-utos ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva ang paglilikas at pamimigay ng relief goods sa mga naapektuhang pamilya ng sunog.