Bulacan anim na distrito na
Reign Benitez May 28, 2021 at 03:37 PM
Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na magdaragdag ng bagong distrito sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11546, mula sa kasalukuyang lima ay hahatiin na sa anim na distrito ang lalawigan. Magiging epektibo ito sa darating na 2022 elections.
Ayon sa bagong batas, ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong, Pulilan, Bulakan at Malolos City ay kabilang sa unang distrito.
Ikalawang distrito naman ang mga bayan ng Baliuag, Bustos at Plaridel.
Habang ang San Idelfonso, San Miguel, San Rafael at Doña Remedios Trinidad ang magkakasama sa ikatlong distrito.
Binubuo ng mga bayan ng Obando, Marilao at Meycauayan City ang ika-apat na distrito.
Ang mga bayan ng Guiguinto, Balagtas, Pandi at Bocaue ang bubuo sa ikalimang distrito.
Nasa ika-anim na distrito naman ang Santa Maria, Norzagaray at Angat.
Nakasaad rin sa bagong batas na ipagpapatuloy ng lahat ng mga incumbent representative ng Bulacan ang kanilang tungkulin hanggang sa matapos ang kanilang termino.
Photo courtesy of Balagtas Mayor Eladio Gonzales Jr. Fb page