Bulacan, humakot ng 24 na award
Kate Papina January 25, 2023 at 09:32 AM
Nakakuha ng dalawampu’t apat (24) na national at regional award ang lalawigan ng Bulacan sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Daniel Fernando. Kasama sa natanggap nilang parangal ang 2022 Most Business-Friendly Province na ibinigay ng Philippine Chamber of Commerce and Industry dahil sa pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan. Iginawad din sa kanila ng Department of Trade and Industry ang ika-sampung puwesto sa Most Competitive Province sa lahat ng lalawigan sa bansa.
Ipinagkaloob din sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang ika-anim nitong Seal of Good Local Governance o SGLG. Ito ang award na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan dahil sa kanilang mahusay na pamamahala at pagbibigay ng serbisyo, at maayos na paggamit ng pondo.
Nakatanggap din ng apat pang parangal ang Gobernador mula sa 2022 Gawad Timpukan Central Luzon Award kabilang ang Recognition for the Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children, Local Council for the Protection of Children, Local Government Support Fund-Support to Barangay Development Program 2021, at Local Government Support Fund-Conditional Matching Grants to Provinces.
Naipakita rin ang kahusayan ng lalawigan sa aspetong pinansyal nang makamit nito ang Top 3 sa Local Revenue Generation Hall of Fame Award para sa Fiscal Year (FY) 2018 hanggang 2020, at Top 2 sa Highest Locally Sources Revenues para sa FY 2021.
Kinilala rin ang mga programang pangkalusugan na inilunsad sa lalawigan at pinagkalooban sila ng limang parangal sa 8th Central Luzon Excellence Awards for Health kabilang ang Outstanding Epidemiology and Surveillance Unit, Best in Multi-sectoral Collaboration on COVID-19 Vaccination, Pulang Laso Excellence Awards for Health na ipinagkaloob sa Bulacan Medical Center (Hospital Category), Excellence Award for DRRM-H Institutionalization, at Excellence Award in UHC Implementation.
Nakakuha rin ng limang award ang lalawigan sa sektor ng agrikultura, kabilang ang Rank 2 on Outstanding Performance in the implementation of projects, accounts, and programs under the High-Value Crops and Development Program; Highest Accomplishment on the distribution and submission of the signed list for inorganic fertilizer; Highest Number of verified farmers and farm lots under the RCM-FFR (Provincial Category; Outstanding Province in Central Luzon, at Highest Accomplishment on the distribution and submission of the signed list for inorganic fertilizers (RCEF Provinces).
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-unlad, naiuwi rin ng Bulacan ang “Beyond Compliant Seal of Excellence” na ginanap sa ika-22 Gawad Kalasag Seal for Local DRRM Councils and Offices. Dagdag pa rito, pinarangalan ang Bulacan bilang 2021 Top Performing Public Library in the Philippines – Provincial Category ng National Library of the Philippines at Asia Foundation, at ng Energy Efficiency Excellence Awards mula sa Department of Energy.
Nanalo rin ang SINEliksik Bulacan at kinilala itong Best Program for Culture and the Arts Grand Champion mula sa Association of Tourism Officers of the Philippines ng Department of Tourism.
Binigyan naman ng pagkilala si Gobernador Daniel Fernando bilang 2022 Most Influential Elected Official ng Gawad Amerika Awards.
Photo: Provincial Government of Bulacan