Bulacan isinusulong ang pagtatanim ng mga katutubong punongkahoy
Mon Lazaro June 9, 2023 at 05:33 PMIsinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang pagtatanim ng mga katutubong uri ng mga punongkahoy sa mga tree-planting activities sa lalawigan.
Ipinaliwanag ni Atty. Julius Victor Degala, hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office(BENRO), na ang mga invasive tree species tulad ng mahogany ay may taglay na katangian na hindi angkop sa lokal na kalagayan sa ating likas na kapaligiran para magamit sa mga tree-planting activities.
Ayon sa mga environmentalists, ang mga invasive tree species na mahogany ay matatagurian na “water suckers” kaya hindi angkop para gamitin sa mga reforestation programs sa mga watershed areas dahil nababawasan pa ng mga ito ang water-holding capacities ng aquifer o baling ng tubig sa kalupaan.
Sa ginanap na tree-planting program sa bakuran ng City Government Compound ng Malolos nitong araw ng Huwebes, Hunyo 8, nagsagawa ang BENRO ng tree-planting activity kung saan ang mga itinanim ng mga seedlings ay kinabibilangan ng Fire Tree at Narra na pawang katutubong punongkahoy sa ating bansa.
Nakiisa sa nasabing aktibidad ng BENRO sina Integrated Bar of the Philippines- Bulacan president Atty. Bunrofil Altares; Criminal Investigation and Detection Group-Bulacan OIC Major Dan August Masangkay; at City Environment and Natural Resources Office ng Malolos na si Amiel Cruz.
Photo: BENRO