Bulacan nagsasagawa ng techno demo para sa high value crops
Mon Lazaro July 4, 2023 at 06:42 PMAng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay kasalukuyang nagsasagawa ng techno demo para sa high value crops sa bayan ng San Ildefonso.
Katuwang nito ang Pamahalaang Bayan ng San Ildefonso, Philippine Council for Agriculture and Fisheries at Philippine Seed Industry Association.
Ayon kay. Gob. Daniel Fernando, ang nasabing gawain ay inilunsad para makatulong sa mga magsasakang Bulakenyo na madagdagan ang kanilang kahusayan sa produksyon at sustenableng pagtatanim ng mga gulay sa kanilang mga lupang sakahan.
Idinagdag pa ng gobernador na pangarap niya para sa lalawigan na maging self-sufficient sa larangan ng produksyon ng pagkain at matulungan ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng lokal na pagsusuplay ng pagkain.
Ipinaliwanag naman ni Ma. Gloria Carillo, ang provincial agriculturist ng lalawigan, na ang nasabing proyekto ay matatagpuan sa dalawang hektaryang lupang sakahan sa Barangay Gabihan sa bayan ng San Ildefonso kung saan walong seed companies ang nakilahok para ipamalas ng mga katangian ng kanilang mga binhing gulay at naaangkop na teknolohiya sa pagtatanim nito.
Aniya, “Ang objective ng techno demo ay para makita ng mga farmers ang iba’t ibang varieties ng lowland vegetable na available from our eight participating seed companies while employing the appropriate technologies… It’s the seed companies who decided their vegetable types and varieties.”
Ang walong seed companies na lumahok dito, ay kinabibilangan ng Allied Botanical Corporation, Advanta Seeds Philippines, SeedWorks Philippines, Inc., Enza Zaden Philippines, Ramgo International, Pilipinas Kaneko Seeds Corporation, East West Seed Company Philippines at FA Greenseeds Corporation, Ang kanilang mga binhing gulay na angkop itanim sa lowland vegetable farming ng lalawigan kabilang na ang tamang teknolohiya sa pag-aalaga ng mga ito.
Ayon kay Carillo, ang mga kumpanyang ito ay pinaglaanan tig-2,500 metro kuwadrado na lupa para pagtaniman ng mga buto ng lowland vegetables na kanilang produkto..
Sa darating na buwan ng Setyembre taong kasalukuyan ay itatampok naman ang isang “Harvest Festival” para sa ‘best performing lowland vegetable varieties’ at ang naaangkop na mga teknolohiya na ginamit dito.
Photo: PPAO