Bulacan nakiisa sa World Environment Day
Mon Lazaro June 6, 2023 at 09:13 PMNakiisa ang lalawigan ng Bulacan sa paggunita ng World Environment Day nitong ika-5 ng Hunyo.
Ipinaliwanag ni Atty. Julius Victor Degala, hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office, na naglunsad ng information and education campaign para sa proteksyon ng kalikasan ang kanilang departamento sa ginanap na flag-raising ceremony nitong araw ng Lunes sa Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos.
Nauna rito, sinabi ni Degala na nakipag-ugnayan rin sila kay Mayor Baby Manlapaz ng Hagonoy para sa mangrove tree planting at coastal clean-up sa Barangay Tibaguin na pinangunahan ng alkalde.
Idinagdag pa ni Degala na nitong nakaraang araw ng Sabado ay nakasama nila si Pulilan Mayor Ma. Rosario Ochoa-Montejo para sa tree-planting activity sa Barangay Dulong Malabon sa nasabing bayan.
Ang selebrasyon ng World Environment Day ay ginaganap tuwing ika-5 ng Hunyo kada taon para imulat ang kamalayan ng publiko sa mga problemang kinakaharap ng ating kapaligiran at para mabigyan ng solusyon ang mga ito.
Samantala, nagsagawa naman ang Department of Environment and Natural Resources ng simultaneous clean-up sa mga kailugan sa Barangay Tawiran sa bayan ng Obando at Barangay Ubihan sa Lunsod ng Meycauayan sa pagputok ng bukang liwayway nitong nakaraang araw ng Lunes.
Matatandaan na ang dalawang kailugan na ito kasama ang kailugan ng Marilao ay naisama sa listahan ng isang international pollution watchdog na kabilang sa mga pinakamaruruming ilog sa buong mundo mahigit isang dekada na ang nakakaraan.
Dahil dito, hinigpitan ng DENR at lokal na pamahalaan ng Marilao, Meycauyan at Obando ang pagbabawal sa pagtatapon ng mga basura at maging ang pagpapadaloy ng mga wastewater ng mga pabrika sa mga kailugan na ito.
Dahil dito, pati na rin ang isinulong ng pamahalaang nasyunal na programang Battle for Manila Bay rehabilitation ay unti-unting gumaganda na ang kalidad ng tubig sa mga nasabing kailugan.
Photo: BENRO