Bustos Dam nagbawas ng pinatatapon na tubig
Mon Lazaro July 29, 2023 at 05:05 PMBUSTOS, Bulacan — Nagbawas na ang Bustos Dam sa pagpapakawala ng tubig mula sa water reservoir nito simula 9:00 ng umaga nitong araw ng Sabado.
Sinabi sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Josephine Salazar, National Irrigation Administration regional director ng Central Luzon, na itinigil na ang pagpapalabas ng tubig ng Bustos Dam sa Rubber Gate No. 3 nito bandang 9:00 ng umaga matapos na bumaba sa 16.45 metro ang water level nito.
Ang spilling level nito ay ibinaba sa 17.00 metro matapos na masira ang Rubber Gate No. 5 at muling maibabalik sa 17.36 metro kapag naipaayos na muli ng contractor ang nasirang pasilidad na nasa ilalim pa ng warranty.
Nauna rito, ibinaba ang Rubber Gate No. 3 ng nasabing dam para makapagpatapon ng 208 cubic meter per second (CMS) ng tubig at ang Sluice Gates 1,2 and 3 ay itinaas sa tig-isang metro bawat isa para makapagbawas ng 80 CMS para sa kabuuang 288 CMS, dakong 6:00 ng umaga ng Sabado, pababa sa kailugan ng San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong at Hagonoy hanggang sa tuluyang lumabas ng Manila Bay.
Sa pagtigil ng pagpapatapon ng tubig ng Rubber Gate No. 3 tanging ang Sluice Gates 1, 2 at 3 na lamang ng Bustos Dam ang nagpapakawala ng kabuuang 80 CMS.
Photo: Mon Lazaro