Bustos Dam nagpakawala na ng tubig irigasyon
Mon Lazaro June 18, 2023 at 02:05 PM
Nagsimula nang magpakawala ng tubig irigasyon ang Bustos Dam para sa taniman ng palay ngayong panahon ng tag-ulan.
Kinumpirma sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Francisco Clara, hepe ng water control and coordinating unit ng Bustos Dam,na nagsimula na silang magpalabas ng tubig irigasyon simula nitong nakaraang araw ng Biyernes.
Ayon kay Clara may kabuuang 40 cubic meter per second (CMS) para sa June 16-30 nitong kasalukuyang taon ang alokasyon ng patubig para sa mga nasasakupan ng National Irrigation Administration service areas na North at South Zones.

Maaaring mabago ang volume ng irrigation water depende sa water elevation ng Angat Dam na pangunahing sumusuporta sa tubig irigasyon na dumadaloy patungo sa Bustos Dam.
Ang North Zone Service area ay sumasakop sa mga lugar ng Pulilan, Baliwag, parte ng Calumpit at San Rafael sa Bulacan at San Simon, San Luis, Candaba at Apalit sa Pampanga. May alokasyon sila na 25 CMS.

Ang South Zone naman ang may sakop sa mga bayan ng Bustos, Plaridel, Pandi, Bocaue, Guiguinto, Balagtas, Bulakan, Calumpit, Hagonoy at Lungsod ng Malolos sa Bulacan. May alokasyon silang 11 CMS.
Photo: Mon Lazaro