| Contact Us

Bustos Dam patuloy ang pagpapakawala ng tubig, 11 bayan binaha

Mon Lazaro July 28, 2023 at 07:12 PM

LUNGSOD NG MALOLOS — Patuloy na nagpapakawala ng tubig ang Bustos Dam hanggang nitong araw ng Biyernes.

Sinimulang magpakawala ng tubig sa nasabing dam simula pa noong araw ng Miyerkules dahil sa malakas na pagbuhos ng pabugso-bugsong ulan na dala ng Bagyong Egay at hanging habagat.

Sinabi sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Josephine Salazar, Central Luzon director ng National Irrigation Administration (NIA), na nitong araw ng Biyernes ay itinaas ang Sluice Gates 1,2 at 3 ng Bustos Dam sa taas na dalawang metro at nakababa naman ang Rubber Gate No. 3 nito.

Ang tatlong sluice gates ng Bustos Dam ay nagpapatapon ng kabuuang 142 cubic meter per second (CMS) ng tubig. Samantalang ang rubber gate nito ay nagpapakawala ng 380 CMS para sa kabuuang 522 CMS kumpara sa 737 CMS na pinakawalan nito noong Huwebes.

Nitong nakaraang araw ng Huwebes, nag-abiso ang NIA sa mga residente na naninirahan sa mababang lugar sa kahabaan ng Angat River System, particular sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong, Hagonoy at Lungsod ng Baliwag na maging alerto sa posibilidad na tumaas ang tubig sa nasabing kailugan dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam ng Ipo at Bustos.

Samantala, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, umabot sa 64 ang mga barangay na naapektuhan ng tubig baha sa lalawigan nitong araw ng Biyernes.

Umabot sa 23 Barangay ang naapektuhan ng tubig baha sa bayan ng Calumpit; apat sa Balagtas; walo sa Guiguinto; dalawa sa Paombong; apat sa Angat; walo sa Pandi; lima sa Bocaue; isa sa Plaridel, dalawa sa Bustos; lima sa Obando at dalawa sa Marilao.

Ayon pa sa PDRRMO umabot sa kabuuang 2,774 na pamilya o 9,109 na indibidwal ang nailikas sa mga evacuation centers sa nasabing mga bayan.

Samantala, pinilahan naman ng mga residente na may dalang pamingwit ang isang bahagi ng kahabaan ng Plaridel Bypass Road sa bayan ng Bustos para makapamingwit ng mga hito.

Ang mga nasabing isda ay nakawala mula sa mga palaisdaan matapos lumubog ang mga ito sa tubig baha.

Photo: Office of Mayor Jonjon Villanueva (Bocaue MDRRMO)

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last