Chinese investors namuhunan sa Bulacan
Mon Lazaro November 9, 2023 at 03:05 PM
LUNGSOD NG MALOLOS— Isang Chinese delegation ang nakipagkita sa mga opisyal ng Bulacan sa pamumuno ni Gob. Daniel Fernando para iparating ang kanilang kahandaang mamuhunan ng halagang $254.82 million sa lalawigan.
Base sa ulat ng Provincial Public Affairs Office of Bulacan, ang mga Chinese investors ay nagmula sa Changsa County, Hunan Province ng People’s Republic of China na pinangunahan ni Wu Guiying, party secretary of the Changsha Municipal Committee.
Kabilang sa mga bagong pamumuhunan sa lalawigan ang Broad Group Philippines Government Affordable Housing Project na may halagang $18 milyon; Import of Philippine Aquatic Products na may halagang $40 milyon; Sales and Local Assembly of Foton Philippines Vehicles in 2024 na may halagang $180 milyon; at Sales Contract for Excavator Equipment na may halagang $16.82 milyon.
Ayon kay Gobernador Fernando, maganda ang potensyal na pagtutulungan, at inaabangan niya ang hinaharap na puno ng matagumpay na kolaborasyon at kasaganaan sa pagitan ng dalawang lalawigan.
Matatandaan na noong 2018, nagkaroon ng Letter of Intent on the Establishment of the Friendship Relationships sa pagitan ng lalawigan ng Bulacan at Hunan Province, People’s Republic of China.
Nagkasundo ang parehong panig na gagawa ng magkasamang pagsisikap na nakabase sa pagkakapantay-pantay at parehong benepisyo upang itaguyod ang konteksto ng tao sa tao at pinagsama-samang pakikipagkalakan at masiglang pakikipagpalitan at kooperasyon sa larangan ng ekonomiya, pakikipagkalakalan, agham at teknolohiya, kultura, palakasan, kalusugan, edukasyon, kabataan, administrasyon, at iba pa.
Samantala, bukod sa pamumuhunan sa Bulacan, nagbigay rin ng donasyon ang mga negosyanteng Chinese kabilang ang Philippine Hunan Chamber of Commerce, Sunward Philippines Inc., Zhongxin Guotai Construction Corporation, Zoomlion Heavy Industry Philippines Inc., Hon-Kwang Electric Philippines Inc., at Sany Philippines Inc. ng mga food at non-food items kasama ang 435 kahon ng gamot, 165 kahon ng diaper, 140 kahon ng de lata, 100 sako ng bigas at 250 assistive devices sa lalawigan.
Ipapamahagi ang mga donasyon sa 29 na ampunan at tahanan para sa mga matatanda sa lalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Photo: Provincial Public Affairs Office of Bulacan