DA nagsagawa ng retooling seminar para sa feed millers sa Gitnang Luzon
Mon Lazaro August 19, 2023 at 10:22 PMNagsagawa ang Registration and Licensing Unit ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon ng retooling seminar tungkol sa Livestock and Poultry Feeds Act (RA 1556) at Food, Drug, and Cosmetics Act (RA 3720) nitong nakaraang araw ng Miyerkules.
Ang nasabing seminar ay dinaluhan ng mga feed millers/stakeholders mula sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon 3 at pinangunahan nina Agriculturist II Dalia Manio, Agriculturist II Golda Kimberly Fernandez at Agriculturist I Dr. Paula Angelie David sa DA RFO 3 Training Hall, Diosdado Macapagal Government Center, Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng kaalaman ang mga feed millers sa mga requirement na kailangan para sa nalalapit na registration at renewal ng kanilang License to Operate (Registration of Establishment) at Certificate of Feed Product Registration (Registration of Feed Products) na magsisimula sa ika-1 ng Oktubre ng taong kasalukuyan.
Ibinahagi ni Agriculturist II Jayce Ann Bocala at Agriculturist II Reynon De Mesa ng Animal Feed and Veterinary Drugs Biologics Control Division ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang presentasyon tungkol sa Registration of Establishments and Feed Products at Inspection.
Naging daan ito para lumawak ang kaalaman ng mga feed millers sa mga regulasyon na itinakda ng batas.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng detalyadong kaalaman, nagkakaroon ang mga kalahok ng malinaw na pang-unawa sa mga legal na obligasyon at mga pre-requisite na kinakailangang tuparin upang tiyakin na ang kanilang mga operasyon ay naaayon sa umiiral na mga batas.
Samantala, nagbigay naman ng impormasyon tungkol sa Feed Laboratory Services si Administrative Officer I Joyce Binuya ng DA RFO 3 para malaman ng mga kalahok sa seminar ang mga mahahalagang konsepto sa mga epektibong pamamaraan sa quality assurance, mga proseso, at mga serbisyong pang-laboratoryo.
Photo: Mon Lazaro