Dagdag na P83-M na tulong-pinansyal sa mga tourism worker sa Bulacan, ipinamahagi
Ian Lopez June 3, 2021 at 11:34 AM
Nagpaabot ng dagdag na P83.7 milyong pisong tulong-pinansyal ang Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa nasa 16,756 tourism worker na nawalan ng trabaho o kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic sa lalawigan ng Bulacan.
Ang ayuda ay mula sa pondo ng Bayanihan to Recover as One Act sa ilalim ng DOT-DOLE COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP.

P5,000 ang perang natanggap ng nasa mahigit labing-anim na libong benipisyaryo batay sa datos ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO).
Ayon kay Tourism Secretary Bernadatte Romulo-Puyat, pumapangalawa ang lalawigan ng Bulacan sa may pinakamaraming beneficiaries ng DOT-DOLE CAMP.
Sa sektor ng turismo sa Bulacan, pinayagan nang magbalik-operasyon ang 55 sa 62 accredited tourism facilities sa Bulacan. Layon ngayon ng lalawigan na buhaying muli at mas palakasin pa ang Eco-Cultural Tourism Circuits nila, tulad ng mga Floating Restaurant sa San Rafael at Calumpit.

Inaasahan rin nilang unti-unting magiging back-to-business na ang mga hotel and resort sa buong probinsya. Dagdag pa ng DOT, prayoridad din nilang tulungan ang mga nagtatampok ng farm tourism at food tourism sa Region 3.
Magugunitang noong pinairal ang Enhanced Community Quarantine sa NCR Plus kung saan kasama ang Bulacan nitong nagdaang Marso, naglaan na rin ang dalawang kagawaran ng P4.5 million cash aid para sa mga tourism worker sa ilalim ng DOT-DOLE Cash Assistance Program.
Bukas din ang CAMP sa mga nasa pribadong sector na apektado ang kabuhayan.
Pumunta lamang sa https://reports.dole.gov.ph para sa online application.
Photo courtesy of Bulacan Provincial Office