Dalawang libong pisong ayuda para sa mga senior citizen na magpapabakuna sa Pandi, Bulacan
Ian Lopez June 5, 2021 at 02:25 PMNabakunahan na, nagka-pera pa!
Patuloy ang inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan para mahikayat na magpabakuna ang mga mamamayan kontra sa Covid-19.
Sa pamamaraang ito lamang kasi makatitiyak na maibibigay ang bakunang proteksyon laban sa sakit. Libre lang din naman itong ipinagkakaloob ng mga lokal na pamahalaan.
Isa sa prayoridad ngayon na mabakunahan ang mga nasa A2 category o ang mga senior citizen dahil mas madali silang mahawa sa coronavirus. Mas peligroso rin kung tatamaan sila nito.
Pero sa kabila ng mga panawagan na magpabakuna, nananatiling mababa pa rin ang bilang ng mga senior citizen na nagpapabakuna.
Ayon sa datos ng COVID-19 Inter- agency Task Force o IATF, nasa 14% pa lamang sa mga senior citizen ang naturukan na ng Covid-19 vaccine.
Malayo raw ito sa target ngayon ng gobyerno na 21%. Isa sa mga itinuturong dahilan ang pag-aalinlangan sa epekto ng bakuna sa kabila ng pagtitiyak ng Department of Health na ligtas at epektibo ang mga ginagamit sa ating bansa.
Sa bayan ng Pandi sa Bulacan, naisip ng lokal na pamahalaan na magbigay ng insentibo sa mga senior citizen na magpapabakuna.
Nabakunahan na, nagka-pera pa! Dalawang libong piso ang ipinagkakaloob na financial assistance sa bawat senior citizen na magpapabakuna.
“Layunin natin dito na matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga lolo’t lola sa pamamaraang makakapagbigay din tayo ng ayudang pinansyal para sa kanilang pangangailangan,” ayon kay Mayor Rico Roque.
Dagdag pa ng alkade, malaking tulong din daw ito sa mga nakatatanda ngayong panahon ng pandemya.
Sa huling pagtataya, nasa mahigit 2,700 sa kabuuang 8,600 na mga senior citizen sa Pandi ang nabakunahan na. Buo nilang matatanggap ang P2,000 matapos maturukan ng 2nd dose.
Patuloy namang hinihikayat ni Mayor Roque ang kanyang nasasakupan na magparehistro na sa vaccination kontra sa Covid-19.
Sa mga taga-Pandi na nais magparehistro online para makapagpabakuna, pumunta lamang sa: http://tinyurl.com/PandiVaccination
Photo courtesy of Municipality of Pandi FB page