| Contact Us

Dalawang traffic enforcer sa Bulacan, patay sa pamamaril

Ian Lopez June 12, 2021 at 07:00 AM

Dead-on-the-spot ang isang traffic enforcer matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilang lalaki, noong Martes ng gabi habang naka-duty siya sa kanyang istasyon sa crossing ng Pacheco Street, sa Barangay Calvario, Meycauayan, Bulacan. Kinilala ang biktima na si Manny Alcanar, 50 years old.

Nasawi ang traffic enforcer matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo. Sinubukan pang dalhin ang biktima sa Meycauayan Doctors Hospital, ngunit nalagutan na siya ng hininga.

Tinamaan din sa pamamaril ang kasamahan niyang si Danilo Nuñez. Itinakbo rin sa naturang pagamutan si Nuñez na nagtamo ng mga tama ng bala sa tagiliran.

Nasawi si Nuñez dalawang araw makalipas ang naganap na pamamaslang.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, si Alcanar talaga ang target ng mga suspek at nadamay na lamang si Nuñez dahil magkasama sila sa oras ng pamamaril.

Nalaman din sa imbestigasyon ng pulisya na nakatanggap ng death threat sa social media si Alcanar bago ang pamamaslang.

Tinitingnan ngayon ng Meycauayan Police ang anggulong gun-for-hire ang pumatay sa dalawa.

Ayon kay P/Lt. Col. Bernard Pagaduan, Chief of Police ng Meycauayan, posibleng isa sa mga natiketan na e-trike o pedicab driver na nakasagutan pa umano ni Alcanar ang mastermind sa pamamaril. Kilala raw sa Meycauyan si Alcanar bilang isang mahigpit at madalas manghuli na enforcer.

Isa rin sa nakikitang motibo sa krimen ay mga taong posibleng matagal ng may malalim na galit sa biktima.

Patuloy raw ang imbestigasyon sa naturang kaso. May itinuturing na ring person-of-interest ang pulisya. Handa rin daw magbigay ng reward money o pabuya ang pamahalaang lokal ng Meycauayan sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o may kakayanang tumestigo sa karumal-dumal na insidente.

Screengrab from Meycauayan City Information Office

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last