Dating Bokal at Hagonoy Mayor Felix Ople pumanaw na
Mon Lazaro July 14, 2023 at 09:16 PM
Pumanaw na noong Huwebes si Felix “Toti” Ople dating Bokal ng Unang Distrito ng Bulacan at dating alkalde ng Hagonoy.
Siya ay anak ni dating Foreign Affairs secretary, labor secretary at Senate president Blas Ople at kapatid ni Department of Migrant Workers Sec. Susan Ople.
Ang labi ni Ople ay ibuburol sa Christ the King, Chapel C sa Greenmeadows, Quezon City simula Hulyo 14 hanggang tanghali ng Hulyo 16.
Ililipat sa Hulyo 17 ang kanyang labi sa Cherubim of Heaven sa Barangay San Pedro sa bayan ng Hagonoy.
Magkakaroon ng Luksang Parangal matapos ang banal na Misa ng ala-sais ng gabi sa Hulyo 20 at ililibing ang kanyang mga labi sa Hagonoy Catholic Cemetery sa Hulyo 21.
Nanungkulan si Ople bilang konsehal mula 1995 hanggang 1998 at tatlong termino bilang Punong Bayan sa Munisipalidad ng Hagonoy mula 1998-2007. Pinarangalan siya bilang Most Outstanding Mayor ng Gintong Kabataan Awards dahil sa natatangi niyang pagganap bilang lokal na ehekutibo sa mga taong 2005, 2006 at 2007.
Bilang isang mambabatas, nag-akda siya ng mga makabuluhang ordinansa na nagkaroon ng positibong epekto sa lalawigan ng Bulacan.
Kabilang dito ang Ordinansa Blg. 2012-09, Resolusyon Blg. 098-T’12 o ang ‘Panlalawigang Kautusan na Nagbabawal sa Paggamit ng Non-biodegradable (‘di-nabubulok) Plastic Bags, Styrofoam at mga Kauri nito bilang Packaging Materials sa Lalawigan ng Bulacan at Nagtatakda ng Kaparusahan sa Paglabag nito at Ordinansa Blg. 2012-01, Resolusyon Blg. 036-T’12 o ang ‘2011 Tricycle Code of Bulacan’.
Ayon Kay Gob. Daniel Fernando, “Our province lost a good and compassionate leader, and I have lost a dear friend.He did not only serve as a colleague, siya rin ay naging isang mabuting katuwang at kaibigan, naging magandang halimbawa at inspirasyon hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa lahat ng mga nakapaligid sa kanya. Taos-puso po kaming nakikiramay sa mga naulila ni Bokal Toti.”
Photo: Felix Toti V. Ople FB