Dental mission ni Konsehal Jerome Reyes, naghatid ng ngiti sa mga Bocaueño
Mike Manalaysay January 6, 2025 at 06:40 PM
BOCAUE, Bulacan — Maganda ang pasok ng bagong taon sa mga Bocaueñong naging benepisyaryo ng dental mission na ipinatupad ni Bocaue Councilor Jerome Reyes nitong Enero 5, 2025.
Ang proyekto, na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Alvarez Foundation, ay nakatulong sa halos 700 Bocaueño na nakatanggap ng mga libreng serbisyong dental tulad ng bunot ng ngipin at pustiso.
Ayon kay Konsehal Jerome Reyes, layunin ng proyektong ito na matugunan ang mga pangangailangang dental ng mga mamamayan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga gastusin para sa mga serbisyong tulad nito.

“Ang mga maliliit na hakbang, tulad ng mga libreng serbisyo, ay malaking tulong na sa ating mga kababayan, lalo na at mahirap ang buhay ngayon,” pahayag ni Reyes. “Mahal ang magpagawa ng pustiso ngayon, kaya’t ang mga ganitong proyekto ay nakakapagbigay ng malaking kabawasan sa gastusin nila,” paliwanag pa niya.
Dagdag pa ni Konsehal Jerome, ang epekto ng pagtulong sa pamamagitan ng dental mission ay hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng self-confidence ng mga benepisyaryo. “Mas magaan at mas masaya ang pakiramdam ng isang tao kapag buo ang ngiti. Kaya masaya kami na makapagbigay ng pagkakataon sa kanila na muling ngumiti nang may kumpiyansa,” aniya.

Ang proyektong ito ay naging matagumpay din dahil sa suporta ng mga lokal na lider ng Bocaue, kabilang na sina Mayor Jonjon Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna, Konsehal Mira Bautista, at ang buong Team Solid Lingkod Bayan.
Binigyang diin naman ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva na sa kanyang pamumuno, mananatiling katuwang ng mga mamamayan ang Pamahalaang Bayan.
“Ang Team Solid ay patuloy na magsusulong ng mga programang magdudulot ng agarang benepisyo sa ating mga kababayan. Palagi kaming makikinig sa kanilang mga hinaing at mabilis na aaksyon para maibigay ang kanilang mga pangangailangan katulad ng pagpapabuti ng kalusugan at kalidad ng buhay ng bawat isa,” aniya.
📷 Konsehal Jerome Reyes FB