Dike sa Obando nasira, ilang lugar binaha dahil sa high tide
Mon Lazaro July 8, 2023 at 05:17 PMIlang bahagi ng dike sa Barangay Tawiran sa bayan ng Obando ang nasira nitong araw ng Huwebes na nagdulot ng pagbaha sa nasabing lugar at karatig na barangay. Ang dike ang nagsisilbing harang sa pag-agos ng tubig dagat mula sa Manila Bay lalo na kung high tide.
Kinumpirma ito sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Ret.Col. Manuel Lukban Jr., officer in charge ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan.
Sinabi ni Lukban na nasira ang nasabing dike humigit kumulang ala- una ng hapon.
Sa naging pahayag naman ni Barangay Tawiran Chairman Leonardo Delos Santos sa mga mamahayag, sinabi niya na dahil sa high tide lumubog ang kanilang barangay at mga karatig lugar tulad ng Barangay Paco at Lawa sa Obando at Barangay Wawang Pulo sa Lungsod ng Valenzuela.
Ang nasirang dike ay karugtong ng kinumpuning dike sa boundary ng Obando at Valenzuela City na nasa kahabaan ng Meycauyan River na nasira noong buwan ng Hunyo nuong nakaraang taon.
Agad naman aniyang tumugon ang pamahalaang lokal ng Obando at magdamag na tinapos ang paglalagay ng steel sheet piles bilang pansamantalang remedyo.
Photo: Gemma Cruz