DOLE, suportado na maging Human Resource Capital ang San Jose Del Monte City
Mon Lazaro May 2, 2024 at 05:47 PM
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Suportado ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maisulong na maging Human Resource Capital ng bansa ang lungsod ng San Jose Del Monte.
Ang nasabing lunsod ay mayroong 651,813 populasyon base sa naging census noong taong 2020 at ito ang pinakamalaking local government unit sa lalawigan ng Bulacan.
Bilang paggunita naman sa Araw ng Manggagawa ay nagkaron ng Labor Day 2024 Mega Job Fair sa SM City San Jose Del Monte sa Barangay Tungkong Mangga na nagbigay oportunidad na magkaroon ng nasa 7,034 na mga bagong trabaho para sa mga residente ng lungsod at kalapit na lugar.
Sa pahayag ni DOLE-Bulacan Provincial Director May Lynn Gozun, malaking tulong para sa mga manggagawa ng lungsod kung magiging ganap ang titulong ‘Human Resource Capital’ para sa San Jose del Monte.
Matitiyak aniya nito ang karagdagang mga oportunidad sa trabaho dahil mailalagay sa ‘radar screen’ ng mga mamumuhunan na mabigyan ng prayoridad sa mga kukunin nilang lakas paggawa.
Dahil dito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga nasabing manggagawa ng lunsod na makapagpaaral ng kanilang mga anak at magiging daan para matiyak na magiging tuluy-tuloy ang pagkakaroon ng dedikado, produktibo at mataas na kalidad ng lakas-paggawa.
Iniulat din ni Gozun na may halagang P36 milyon ng iba’t ibang livelihood packages sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ang ibababa sa Bulacan nitong Labor Day kasama rin ang pagpapasahod sa 40 kabataan na naging benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP).
Samantala, 22 na indibidwal na lumahok sa isa pang Job Fair ng Bulacan PESO sa SM City Marilao ang naging HOTS o Hired On The Spot. Kabilang sila sa mga agad na pinalad mula sa 3,614 na inialok na lokal na trabaho ng 41 na employers.
📷 Shane Frias Velasco