DPWH Secretary Manuel Bonoan inamin na may “ghost” flood control projects sa Bulacan
Mike Manalaysay August 19, 2025 at 05:51 PM
MANILA — Inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na may ilang flood control projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng ₱5.9 bilyon ang iginawad sa isang contractor ngunit hindi kailanman naipatayo. Tinukoy niya ang mga ito bilang mga “ghost projects.”
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw, isiniwalat ni Bonoan na ang Wawao Builders Inc. ay nakakuha ng 85 proyekto mula 2022 hanggang 2025, pero natuklasang ilan sa mga proyekto ay non-existent.
“There seems to be some ghost projects in Bulacan. We will be coming up with a financial and physical report in one week’s time,” ayon kay Bonoan.
Dagdag pa ni Bonoan, nakakuha rin ang Wawao Builders ng mga proyekto mula sa DPWH sa iba pang rehiyon, na umaabot sa halagang ₱9 bilyon.
Hindi dumalo sa pagdinig ang Wawao Builders. Lumitaw rin sa pagdinig na pag-aari ito ni Mark Allan Arevalo.
Inilunsad ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Agosto 19 ang pagdinig sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects. Tinututukan ng imbestigasyon ang posibleng paglabag sa procurement laws at anti-graft rules.
📷 Senate of the Philippines FB