Drug suspect nasawi
Arkipelago News October 23, 2022 at 03:37 PMNamatay si Rene Redobla alyas Empoy, diumano’y suspek sa pagtitinda ng ipinagbabawal na gamot, sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya ng Bulacan. Residente raw ng Barangay Bignay sa Valenzuela City at Barangay Perez sa Lungsod ng Meycauayan si Redobla.
Ayon pa sa Bulacan Police Provincial Office, nagsuspetsa diumano si Redobla na pulis ang kanyang katransakyon at bigla raw siyang bumunot ng baril at itinutok sa pulis na nagpanggap na buyer. Ito raw ang dahilan kung bakit napilitan daw magpaputok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Nakuha diumano sa crime scene ang dalawang basyo ng 9mm na bala, isang 38 revolver na may lamang bala, isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, marked money, iba pang gamit at diumano’y drug paraphernalia.
Libu-libong pinaghihinalaang drug pusher at user na ang namatay sa mga ganitong klase ng operasyon mula nang ilunsad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang “war on drugs” noong 2016. Pero ayon sa mga kritiko ng madugong kampanya laban sa droga, hindi naman nito nasolusyunan ang problema sa droga ng bansa. Una, dahil hindi naman nahuli ang pinakamalalaking drug lord na responsable sa importation o pagpapapasok ng iligal na droga sa bansa. Mas higit na nakararami ang mga napatay na maliliit na tulak at mga user. Ikalawa, matagal nang napatunayan sa ibang bansa na hindi epektibo ang patayan para mapigilan ang pagkalat ng droga. At ikatlo, ayon sa mga eksperto, ang paggamit ng iligal na droga ay isang problemang pangkalusugan na nangangailangan ng medikal na solusyon at hindi dahas.
Samantala, naaresto naman sa isang diumano’y buy-bust operation na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ng San Ildefonso, Bulacan si Regie Cruz alyas Gibo. Nakuha diumano sa kanya ang tatlong sachet ng suspected shabu at perang ginamit ng mga pulis sa buy-bust operation.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act (Republic Act No. 9165) o pagbebenta ng iligal na droga. Alinsunod sa batas, isasailalim ang suspek sa isang paglilitis sa korte. Kung mapatunayan ng hukuman ang kanyang pagkakasala, maaari siyang maparusahan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Photo: Bulacan Police Provincial Office