| Contact Us

FPJ Station bagong pangalan ng istasyon ng LRT sa Roosevelt Avenue

Reggie Vizmanos August 21, 2023 at 01:36 PM

Simula sa Agosto 20, 2023 ay Fernando Poe Jr. (FPJ) Station na ang tawag sa huling istasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Roosevelt Avenue, Quezon City bilang pagpupugay sa namayapang aktor, direktor, writer at producer na kilala bilang ‘Da King’ o Hari ng Pelikulang Pilipino.

Alinsunod sa Republic Act (RA) 11608 ay ginawang Fernando Poe, Jr. Avenue ang pangalan ng Roosevelt Avenue na nasa unang distrito ng Quezon City at siyang lokasyon ng naturang LRT station.

Si FPJ, na ipinanganak noong Agosto 20, 1939 at namatay noong Disyembre 14, 2004, ay lumaki sa kanilang ancestral house sa Roosevelt Avenue.

Noong taong 2006 ay idineklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si FPJ bilang National Artist for Cinema.

Taong 2012 naman ay tumanggap ang pamilyang Poe ng posthumous recognition mula sa administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino dahil sa mga tanyag na pelikula ni FPJ.

Noong 2021 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11608 na iniakda ni Sen. Manuel “Lito” Lapid at inisponsor ni noo’y Senate President Vicente “Tito” Sotto 3rd.

Ang seremonyas ng pag-unveil ng LRT FPJ Station marker ay pinangunahan ni Sen. Grace Poe, kasama sina Sen. Sotto at Sen. Lapid, Transportation Secretary Jaime Bautista, Light Rail Management Corp. President and Chief Executive Officer Juan Alfonso, Cong. Arjo Atayde at ang aktor na si Coco Martin.

Ayon kay Sen. Poe, “Sa bawat pasaherong bababa at sasakay sa FPJ Station, sana ay maalala ninyo ang puso ni Da King para sa masang Pilipino. Public service has always been in FPJ’s heart. Isang hamon para sa DOTr at LRTA ang pagbibigay ng maayos at komportableng byahe… ito ay isang paraan ng pagbibigay-pugay sa kanyang legasiya.”

“Si FPJ ang naging simbolo ng ating mga mamamayan — pulis ka man, guro, estudyante, manggagawa, lahat tayo, araw araw ay nagsisipag at kumakayod para bigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga anak,” dagdag ng senadora.

Gumanap si FPJ sa mahigit 300 pelikula sa kaniyang 46 na taon ng pag-aartista.

Photo: Sen. Grace Poe FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last