Gas station inspection at fuel monitoring, pinaigting sa Marilao
Angelo Calixtro March 16, 2026 at 06:23 PM
MARILAO, Bulacan — Pinaigting ng Pamahalaang Bayan ng Marilao ang pagbabantay sa mga gasolinahan sa bayan kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina bunsod ng pandaigdigang suliranin sa suplay ng langis na nakakaapekto sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa pangunguna ni Mayor Jem Sy, ipinatupad ang mas mahigpit na monitoring alinsunod sa Memorandum No. 2026-17.
Nagsagawa ng gas station inspection at fuel monitoring sa ilang rehistradong gasolinahan sa bayan noong Marso 13.
Pinangunahan ang inspeksyon ng mga kinatawan mula sa Marilao Public Safety Command and Action Center (MPSCAC) katuwang ang Marilao Police.
Bahagi ito ng inisyatiba ng Local Price Coordinating Council (LPCC) upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at ang pagsunod ng mga establisimyento sa tamang presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng hakbang na matiyak na patas ang presyo ng mga produktong petrolyo alinsunod sa Republic Act No. 7581 o The Price Act, at maiwasan ang mga ilegal na gawain tulad ng overpricing, hoarding, at profiteering.
Inaasahan na ipagpapatuloy ang regular na monitoring hanggang mainspeksyon ang lahat ng rehistradong gasolinahan sa munisipalidad para mapanatili ang patas na kalakalan at maprotektahan ang kapakanan ng mga motorista at mamimili.
📷 MarileNews FB